Ihaw na nga! Pinoy barbecue, wagi sa European Street Food Awards




Larawan mula sa Facebook page ng Thirlla in Manila
  • Wagi sa isang international food competition ang Pinoy barbecue
  • People’s choice ito sa nakaraang European Street Food Annual Awards
  • Ito ay mula sa Thrilla in Manila food stall na matatagpuan sa Denmark

Sa darating na Pasko at Bagong Taon, siguradong may mga pamilyang inaabangan na ang barbecue sa hapag. Kanya-kanyang pasarapan ng kanilang recipe ang bawat pamilyang Pinoy na siyang bumubuo sa masarap na kainan sa mga nasabing okasyon.

Ilang buwan bago ang holiday season, kinilala ang Pinoy favorite na barbecue sa katatapos lang na European Street Food Annual Awards na inilahok ng mag-asawang Pinoy na nakabase ngayon sa Denmark.

Larawan mula sa Facebook page ng Thrilla in Manila

Itinayo ng mag-asawang Carmelita Penpeña at Alfie Escabarte ang ihaw-ihaw business nila sa Denmark noong 2018 na tinawag na “Thrilla in Manila.” Dito ay nagbebenta sila ng classic Pinoy barbecue na pina-level up ng ilang kapares para naman umakma sa panlasa ng mga Scandinavian.

Dahil sa linamnam ng kanilang barbecue, nagwagi ito bilang People’s Choice sa nakaraang European Street Food Annual Awards na ginawa sa Malmo, Sweden nitong Setyembre. Malaking parangal sa patimpalak ang People’s Choice award dahil ibinigay ito ng mga mamimiling dumalo sa food festival.

Sinabi raw ng isa sa mga hurado ng patimpalak na ngayon lamang daw sila nakakita ng ganoong karaming boto para sa isang recipe na isinali sa food awards. Itinuturing din ang European Street Food Annual Awards bilang pinakamalaking food competition sa buong mundo.

Hindi rin daw basta-basta makapasok sa nasabing patimpalak dahil mahigpit na sinasala ang entries ng mga makararating sa final leg nito. Mula sa libo-libong sumali, tanging 22 finalists lamang ang tatanggapin at pinalad na mapasama ang “Thrilla in Manila” sa mga ito na nag-uwi pa ng parangal.

Larawan mula sa Facebook page ng Thirlla in Manila

Ilan sa mga recipe na inihahanda sa Thrilla in Manila ay ang Pinoy pork barbecue kasama ang fresh salad at kanin, pork barbecue with marinated beef (tapa), at chicken bun with homemade sauces.

Sa kabila ng tagumpay na tinatamasa nina Penpeña at Escabarte, aminado naman sila na hindi naging madali ang kanilang mga pinagdaanan sa pagtatayo ng award-winning nilang negosyo. Naging suliranin daw nila noon ang puhunan para sa kanilang food cart.

Gayunman, nanaig pa rin ang pagtutulungan nilang mag-asawa. Ginamit ni Penpeña ang kanyang background sa finance habang ang kanyang asawa naman ay ginamit ang kakayahan sa pagluluto bilang isang chef.

Source :

Facebook, YouTube