Gretchen Ho, game sa mga “nagsalita na si Gretchen” memes kaugnay ng hidwaan ng Barretto sisters




Larawan mula sa UKG Facebook page
  • Pinag-uusapan pa rin ang sagutan ng magkakapatid na Barretto lalo na’t nagbigay ng pahayag si Marjorie
  • Dahil nais ng netizens na ang makapanayam naman ay si Gretchen, pinagbigyan sila ng morning show na UKG
  • Iyon nga lang, imbes na si Gretchen Barretto, si Gretchen Ho ang humarap sa isang panayam

Mistulang isang national issue ang patutsadahan ng magkakapatid na Marjorie, Gretchen, at Claudine Barretto sa nangyaring paghaharap nila sa bur0l ng kanilang ama. Habang tumatagal ay tila humahaba ang usapin at hindi natatapos ang pagbibigay ng pahayag ng bawat kampo.

Dahil sa trending na pahayag ni Marjorie sa TV Patrol, sigaw ng mga netizens, kailangang marinig din ang panig ni Gretchen kahit nasa ibang bansa ito. Ngunit ang malikhaing isip ng mga social media users ay nakuha na namang paglaruan ang isyu. Imbes kasi na si Gretchen Barretto ang inilalagay nilang larawan sa mga memes, ang Kapamilya host at atletang si Gretchen Ho ang nasa katuwaan online.

Larawan mula sa Instagram account ni Gretchen Ho

Maraming memes sa social media ngayon na may larawan ni Ho at may caption na “nagsalita na si Gretchen.” Umaani ng maraming shares at reactions ang memes na ito kaya hindi nakapagtatakang nakaabot na ito kay Ho mismo.

Game na game naman si Ho sa mga lumalabas na memes at sa katunayan, siya pa mismo ang nagpo-post sa kanyang Instagram account ng mga larawan tungkol sa ‘exclusive interview’ ng morning show niyang Umagang Kay Ganda kay Ho.

“The public has to hear my side, too. Thank you for the opportunity, Umagang Kay Ganda and Kalad Karen,” sabi ni Ho sa kanyang post kasama ang isang larawan na animo’y isang seryosong panayam at siya talaga ang Gretchen na hinihintay ng mga netizens.

Nag-reply naman ang co-host ni Ho sa UKG na si Kalad Karen at tinanong kung mahina rin ba siya pagdating sa pag-ibig, alinsunod sa pahayag ni Marjorie na mahina siya sa usaping love.

I-click ang larawan upang mapanood ang video / Larawan mula sa UKG

“Matagal ko nang sinagot yan, Karen,” sabi ni Ho bilang kanyang tugon kay Kalad Karen. Maraming netizens naman ang natuwa sa pagiging game ni Ho sa mga memes na ginagawa tungkol sa kanya.

Ibinahagi naman sa official Facebook page ng UKG ang ‘panayam’ kay Ho bilang si Gretchen Barretto kasama si Kalad Karen na ipinalabas bago matapos ang show. Katuwaan lang naman ngunit patok sa mga netizens ang naging kunwaring interview kay Ho. Gayunman, hinihintay na rin ng buong bansa ang magiging panayam naman sa tunay na Gretche Barretto na ayaw magpatalo sa mga kapatid at ilan pang kaanak.