Dimples Romana, may “One More Chance” inspired message para sa kaibigang si Bea Alonzo




Larawan mula sa Instagram account ni Dimples Romana at Bea Alonzo
  • May mensahe si Dimples Romana sa kaibigang si Bea Alonzo
  • Inspired ito ng blockbuster movie nila na One More Chance
  • Maraming fans naman ang natuwa sa tibay ng pagkakaibigan nila

Pinanood ng madla ang mga pelikula ni Bea Alonzo na tungkol sa pag-ibig. Isa sa mga tumatak at itinuturing na ngayon bilang isang klasiko ay ang One More Chance kasama ang isa pang blockbuster star na si John Lloyd Cruz.

Nitong mga nakaraang buwan, hindi inaasahan ng mga fans ni Bea na magiging kasing kulay ng mga nagawa niyang serye at pelikula ang kanyang buhay pag-ibig. Isiniwalat kasi ng aktres ang mga diumano’y nangyari sa relasyon nila ng kapuwa Kapamilya celebrity na si Gerald Anderson.

Larawan mula sa Instagram account ni Dimples Romana

Upang palakasin ang loob, gumawa ng mensahe si Dimples Romana para sa kaibigang si Bea na ibinahagi nito sa kanyang Instagram account. Dahil co-stars sila sa One More Chance, inspired ng kanilang record-breaking film ang ibinahaging mga salita ni Dimples para kay Bea.

Ang buong konsepto ng mensahe ay batay sa kanilang pelikula noong 2007.  Tinawag ni Dimples ang kaibigan bilang si Basha, ang iconic role ni Bea sa pelikula, at sinabing laging bukas ang tahanan niya para sa aktres. Lagi rin daw Thursday ang kanilang pagkakaibigan. Thursday group kasi ang tawag sa barkadahan nina Bea sa One More Chance dahil Huwebes ang araw ng kanilang bonding.

“My dearest Basha, ang tahanan namin ay bukas para sayo forever. Para satin, every day is Thursday. Mananatiling masaya at payapa ang puso mo,” bungad ni Dimples sa kanyang post kasama ang larawan nila ni Bea at isa pang One More Chance co-star na si Beatriz Saw.

“Your beauty will always radiate from within because of the genuine goodness you have in your heart and I’ll forever be your fan.  Love you always,” pagpapatuloy ni Dimples na ang iniligay sa dulo ng kanyang post ay ang pangalan niya rin sa pelikula na Krizzy.

Larawan mula sa Instagram account ni Bea Alonzo

Trending na ngayon sa Instagram ang mensahe ni Dimples kay Bea. Mayroon na itong halos 65,000 likes habang isinusulat ang balitang ito. Marami ring fans nila ang natuwa sa tibay ng pagkakaibigan nila kahit matagal na mula nang ginawa ang pelikula.

Kamakailan naman, naglabas si Bea ng video sa kanyang vlog kung saan binibigkas niya ang kanyang tulang “Muli,” na tungkol sa pagbangon matapos ang mapapait na karanasan na umani rin ng positibong komento mula sa mga YouTube viewers.