Dennis Trillo, masaya dahil nakagawa ng de-kalidad na proyekto sa Star Cinema




Public Domain Image
  • Masaya si Dennis Trillo na makagawa ng de-kalidad na pelikula sa Star Cinema
  • May basbas umano ito mula sa GMA Kapuso Network
  • Makakasama niya rito ang Kapamilya star na si Beauty Gonzales

Isang katuparan para sa sinumang aktor na makagawa ng isang de-kalidad na proyekto, sa telebisyon man o sa pelikula. Isa na riyan ang mahusay na aktor na si Dennis Trillo.

Masaya si Dennis dahil muli siyang napabilang sa isang de–kalibreng pelikula sa produksyon ng Star Cinema, ang film production arm ng ABS–CBN na mahigpit na katunggali ng kaniyang home network na GMA Network. Ang pelikula ay isang horror movie na pinamagatang “Hellcome Home” kasama ang Kadenang Ginto star na si Beauty Gonzales. Kasama rin nila sina Raymond Bagatsing at Alyssa Muhlach.

Public Domain Image

Ayon sa panayam ng PEP kay Dennis, masaya siya dahil muli siyang nakagawa ng “quality movie” sa Star Cinema dahil nagsimula siya sa Kapamilya Network. Lumipat siya sa Kapuso Network noong 2002. Nang malaman daw niya ito ay hindi niya kaagad pinalagpas. Sobrang suwerte  daw na makatrabaho silang muli dahil bukod sa pagiging propesyunal nila, bihasa na sila sa kanilang mga ginagawa.

“Pati yung pag-promo nila at yung pag-promote nila sa bawat artista at teaser. Kung paano nila nilalabas ang bawat material for promo. Talagang sobrang organized at well-thought of. Alam mong naka–strategize talaga,” ani Dennis.

Dagdag pa niya: “”Naging masaya ang experience ko na makatrabaho ang ganoong mga tao na may ganoong klaseng work ethics.”

Hindi nag–alinlangan si Dennis na gawin ang naturang horror movie lalo’t sa pagbabasa pa lamang ng script ay nakaramdam na siya ng pananabik. Kung siya raw ay isang manonood, ganoong klaseng pelikula ng katatakutan ang nais niyang panoorin.

Public Domain Image

Ipinaliwanag din ni Dennis na pinayagan siya ng kaniyang home network na gumawa ng pelikula sa Star Cinema dahil ang kaniyang kontrata naman ay eksklusibo lamang sa telebisyon.

Paliwanag niya: “Hindi rin naman ganoon ka-active ang GMA Films kaya siyempre, kailangan kong maghanap ng ibang venue para makagawa ka ng fulfillment mo sa career mo. Wala namang naging problema.”

Pinayagan lamang si Dennis na makapag–promote ng pelikula sa “Magandang Buhay”. Ipalalabas ang pelikula sa mga sinehan sa darating na Oktubre 30, 2019.

Samantala, tara nang sumilip sa teaser na ito: