Bus driver na nagpapatugtog ng worship songs sa biyahe, hinangaan sa socmed




Imahe mula sa Facebook account ni Yhumies Clo Set
  • Pinuri ng isang netizen ang driver ng bus na kaniyang nasakyan mula Tarlac papuntang Pangasinan
  • Nasaksihan niya kasi itong nagpapatugtog ng worship songs sa biyahe at bumabati ng “good morning” sa bawat sumasakay na pasahero
  • Hinangaan din ng netizen ang bus driver dahil sa pagpapaalala nito sa kaniyang pasahero na laging mag-ingat at i-enjoy lang kani-kanilang trabaho

Kakaiba ang naging karanasan ng isang netizen sa biyahe nito sa bus mula Tarlac patungong Pangasinan. Hindi niya kasi inakala na makaririnig siya ng worship songs habang nakasakay sa isang pampublikong sasakyan.

Imahe mula sa Facebook account ni Yhumies Clo Set

Sa post na ibinahagi ng isang Facebook user sa ilalim ng pangalan na Yhumies Clo Set noong October 6, isinalaysay ng netizen kung paano nakamit ng isang driver ang kaniyang paghanga matapos niyang masakyan ang minamaneho nitong Victory Liner bus patungo sa kaniyang pang-araw-araw na destinasyon.

“Araw araw akong bumabiyahe mula Tarlac to Pangasinan. Palagi akong umuupo sa harap na upuan (likod ng driver’s seat) pero ikaw lang ang driver na nasakyan ko na ang music ay worship song,” ayon sa netizen.

Bumilib din siya sa driver dahil nagagawa pa nitong sumabay sa mga awitin sa kalagitnaan ng kaniyang pagda-drive. Sa kabila ng pagod at puyat sa pagmamaneho ay nagawa pa ng driver na magdala ng good vibes sa kaniyang mga pasahero.

“[You are] singing while driving. Lahat ng sumasakay na pasahero binabati mo ng “good morning” at pinapaalalahan mo na humawak para ‘di ma-out of balance kapag umandar na ang bus,” dagdag niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Yhumies Clo Set

Ayon pa sa netizen, pinapaalalahan ng driver ang kaniyang mga pasahero na ienjoy ang kani-kanilang trabaho at huwag kalimutang purihin ang Diyos.

Agad namang nag-viral ang post. Sa katunayan, nagtala ang nasabing post ng 129,000 reactions at 27,000 shares sa Facebook dalawang araw matapos itong ibahagi ng netizen.

Hiling niya, sana tularan ng iba pa ang ugaling ipinamalas ng driver ng bus na kaniyang nasakyan.

Source :

Facebook