Benepisyo ng 4Ps, nais gawing bigas kaysa pera upang matulungan ang mga magsasaka




Larawan mula sa Facebook page ng NFA
  • Bigas na at hindi pera ang makukuha ng mga 4Ps beneficiaries sa bagong panukala
  • Gagawin daw ito ng pamahalaan bilang tulong sa mga magsasakang Pilipino
  • Ang DSWD at NFA ang mamamahala sa bagong bihis ng 4Ps

Malaking tulong para sa mga kapus-palad nating mga kababayan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil ang halagang natatanggap buwan-buwan ay nagagamit sa mga gastusin ng pamilya tulad ng pagkain at sa pag-aaral.

Gayunman, nais palawigin ng pamahalaan ang tulong na naibibigay ng 4Ps sa mga Pilipino. Kung noon ay sa mga mahihirap na pamilya lamang nakapagbibigay ng ayuda ang programa, ngayon naman ay maging ang mga magsasaka ay maambunan na rin ng tulong. Imbes kasi na salapi ang ibigay, papalitan na ito ng bigas na nakikitang malaking tulong din sa bawat pamilyang Pilipino na makaraos sa araw-araw.

Larawan mula sa Facebook page ng NFA

Pasado na sa ikalawang pagbasa sa senado ang panukalang ito na nagtatalaga sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan ang 4Ps members ng bigas imbes na pera para sa kanilang rice allowance.

Sa joint resolution na sponsored ni Senator Cynthia Villar, bibili ang National Food Authority (NFA) ng palay sa ilang lalawigan sa Pilipinas na mayroong  pinakaapektado ng rice tariffication law na nagpahina ng bentahan ng palay sa bansa. Kabilang sa mga lalawigang pagkukuhanan ng bigas ang Pangasinan, Ilocos Norte, Isabela, Tarlac, Iloilo, at Mindoro.

Sa ilalim kasi ng 4Ps, bawat benepisyaryo ay nakatatanggap ng P600 na rice subsidy bilang dagdag na tulong ng programa. Ngunit sa bagong bersiyon ng 4Ps, iminumungkahing imbes na pera ay gawing bigas na talaga ang ibigay. Bente kilos ng bigas ang makukuha ng mga 4Ps members, maliban pa sa 300 na buwanang financial assistance.

Tinatayang nasa P28.5 milyon ang ginagastos ng pamahalaan sa rice subsidy sa 4Ps na malaking tulong daw kung maipambibili ng mga palay ng mga local farmers na umaaray na rin dahil bagsak presyo na nilang ibinebenta ang kanilang mga pananim.

Larawan mula sa Facebook page ng NFA

Kapag daw naipatupad na ang pamimigay ng bigas sa bagong bihis ng 4Ps, sisikapin daw ng DSWD at NFA na ilapit ang magiging distribution centers ng bigas upang makagaan naman sa mga benepisyaryong may edad na.

Inihayag naman ni Senador Christopher Bong Go na personal niyang inilapit kay Pangulong Rodrigo Duterte na isertipika ang joint resolution as urgent. Nilapitan na rin daw siya ng iba pang mga senador upang maiparating sa pangulo ang kagustuhan nilang pagbabago para sa 4Ps.

Source :

YouTube, GMA News