Balikan: ‘Nobody’ ng Wonder Girls, ang nagsimula ng KPop phenomenon sa Pilipinas




Larawan mula sa YouTube
  • Hindi maikakailang patok ang KPop sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyan
  • Ngunit isang kanta ang nagpasikat ng KPop sa bansa noong 2009
  • Ito ay ang Nobody ng grupong Wonder Girls na bahagi ng kabataan ng maraming Pilipino

Bahagi na ng pamumuhay ng maraming Pilipino ang KPop o Korean pop music. Iba’t ibang kanta mula sa Korea na ang pinatutugtog sa mga radyo at music channel sa bansa. Madalas ding mayroong mga KPop stars na pumupunta sa Pilipinas upang magtanghal at pasayahin ang mga KPop fans.

Ngunit bago lumaganap ang maraming awiting Koreano sa Pilipinas, isang kanta muna ang nagpa-indak at nagpasimula ng pagkahumaling ng mga Pilipino sa KPop. Taong 2009 nang unang makarating sa Pilipinas ang kantang Nobody ng Wonder Girls. Simula noon, tinanggap na ng mga Pilipino ang KPop na sinasabayan at sinasayawan hanggang sa kasalukuyan.

Larawan mula sa YouTube

Inilabas ng grupo nina Yubin, Sunye, Sohee, Yeeun, at Sunmi ang kanilang single mula sa albim nilang The Wonder Years: Trilogy noong Setyembre 2008. Agad itong pumatok sa South Korea at nagkaroon pa ng halos limang milyong digital downloads.

Noong 2009 naman, inilabas ang English version nito at inilunsad sa bansang United States at nakapasok sa Billboard Hot 100. Naging isa sa pinakamabentang kanta sa Amerika ang Nobody. Nang sumikat ang kanta sa US, ito rin ang naging hudyat para lumikha ng official YouTube account ang Wonder Girls.

Nang sumikat sa Amerika, nakarating na rin sa Pilipinas ang awitin at nakuha ang loob ng mga Pilipino. Instant hit ang Nobody at naging paboritong dance song sa iba’t ibang party sa school, opisina, at naging ‘pambansang piyesa’ ng mga sumasali sa dance contest. Natapat din kasing Ber months sumikat ang kanta sa Pilipinas kung saan panahon ng Pasko.

Minahal din ng mga Pilipinas ang music video ng kanta. Ang kuwento kasi nito ay backup singers lang talaga ang Wonder Girls. Ngunit ang singer na si JYP ay natagalan sa banyo dahil walang tissue kaya naman ang girl group na ang kumanta para kay JYP na naging rason sa kanilang pagiging tanyag.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Ang pagsikat ng Nobody sa Pilipinas ay naging daan upang sumikat din ang ibang Korean songs at Korean artists sa bansa. Sumunod na naging patok ang mga kanta ng KPop groups na 2NE1, Super Junior, at Girls Generation.

Nagtuloy-tuloy ang kasikatan ng Nobody at lumaganap din ito sa mga bansang China at Japan. Nagkaroon pa nga ng transalation sa ibang wika tulad ng Mandarin at Japanese. Gayunman, noong 2017 ay tuluyan nang nag-disband ang Wonder Girls ngunit mananatili ang Nobody sa isip ng mga Pilipino at mga tagahanga nila sa buong mundo.