Ate Gay, tinanggal daw sa TNT Celebrity Champions sa ‘di pa malinaw na dahilan




Larawan mula sa Facebook post ni Ate Gay
  • Ipinaabot ni Ate Gay sa kanyang mga fans na hindi na siya mapapanood sa Tawag ng Tanghalan
  • Hindi raw malinaw sa komedyante ang rason kung bakit tinanggal siya sa kompetisyon
  • Pati ang manager niya ay nagparating din ng pagkadismaya sa pagkakatanggal ni Ate Gay sa TNT

Kamakailan lamang ay ipinakilala sa press ang bagong batch ng mga artista na sasabak sa Tawag ng Tanghalan: Celebrity Champions sa It’s Showtime. Isa sa mga inaabangang pangalan ay ang Nora Aunor impersonator at queen of mash-up na si Gil Morales o mas kilala bilang Ate Gay.

Gayunman, hindi na matutuloy ang pagsalang ni Ate Gay sa entablado ng It’s Showtime batay sa isang anunsyong ginawa nito sa kanyang Facebook account. Sabi ng comedy bar performer, nalulungkot man siya ay kailangan niyang tanggapin na hindi na niya mahaharap ang madlang people at mga solid Showtimers.

Larawan mula sa Facebook post ni Ate Gay

Sinabi ni Ate Gay na nagpapasalamat pa rin siya sa Showtime management kahit na hindi magbubunga ang kanyang inilaang oras para sa patimpalak. Idiniin niya rin na walang anumang malinaw na dahilan kung bakit siya tinanggal sa TNT Celebrity Champions.

“Nais ko lang po ibalita na hindi na po ako makakasalang sa TNT… Nakakalungkot man na ang management ay walang sinabing dahilan kung bakit… Salamat sa abala sa oras na masaya sana… Bagama’t patuloy lang po ang buhay na ang layunin ko lang ay magbigay aliw sa madlang people at lumaban,” pahayag ni Ate Gay sa kanyang post.

Naglabas din ng pahayag ang manager ni Ate Gay na si Freddie Bautista tungkol sa pagkakatanggal ng komedyante sa kompetisyon. Bagama’t nirerespeto niya umano ang desisyon ng management kahit hindi pa ito malinaw sa ngayon, sana raw ay hindi na lang inimbitahan ang komedyante noong una pa lamang.

“Nakakalungkot lang na hindi na maisasalang sa Celebrity Edition ng Tawag ng Tanghalan si Ate Gay sa walang malinaw na dahilan. Ang sa ‘kin lang sana hindi na ininvite, hindi nakapag pictorial at hindi nai-plug,” sabi ni Bautista sa kanyang Facebook post.

Iniisip niya raw kung may kinasangkutan bang isyu ang kanyang alaga sa pamunuan ng ABS-CBN upang tanggalin ito sa show, ngunit mukhang wala naman daw dahil bago ang TNT ay nakapag-guest pa raw ito sa ilang Kapamilya shows.

Larawan mula sa Facebook post ni Ate Gay

Ayaw na raw sanang magkomento pa ni Bautista sa isyu ngunit marami ang nagtatanong kung bakit hindi na kasali si Ate Gay sa TNT. Nais niya lamang daw ipaliwanag na kahit sila ay hindi alam kung ano ang dahilan.

Pareho namang sinabi nina Ate Gay at Bautista na kahit malaking palaisipan ang nangyari ay tatanggapin na lamang nila ang desisyon ng manangement at magmo-move on na lang sa isyu. Marami naman ang nanghihinayang sa sana ay harapan nina Vice Ganda at Ate Gay na kilala sa larangan ng pagpapatawa.

Wala pa namang pahayag ang ABS-CBN at It’s Showtime habang isinusulat ang balitang ito.