Aso, nagpamalas ng talento sa pagsasayaw ng ‘Tinikling’




Imahe mula kay June Lazarte at Philippines Best | Facebook
  • Viral sa social media ang ‘pagsasayaw’ ng isang aso sa Filipino folk dance na “Tinikling”
  • Kinilala ang talented doggo sa video bilang si Bullet
  • Napag-alaman rin na pagmamay-ari siya ng kilalang dog trainer na si June Lazarte na siya ring nag-train sa “Wonder Dog Aspin” na si Saver
Imahe mula sa Facebook page na Philippines Best

Hinangaan sa social media ang mahusay na ‘pagsayaw’ ng isang aso sa Filipino folk dance na “Tinikling.”

Ibinahagi ng Facebook page na Philippines Best noong October 12 ang kuha ng isang aso na nagpapakitang-gilas sa pagsabay sa beat at pagtalon sa pagitan ng dalawang kawayan.

Kinilala ang talentadong aso sa video bilang si Bullet. Pagmamay-ari siya ng kilalang dog trainer na si June Lazarte na siya ring nag-train sa “Wonder Dog Aspin” na si Saver.

Mapapanood sa video na ilang beses hinarap ni Bullet ang pagbubukas at pagsasara ng dalawang kawayan. Maraming beses nitong naitapak ang isang paa sa pagitan ng mga kawayan. Matagumpay rin siyang nakapagpabalik-balik sa magkabilang tabi nang hindi naiipit.

Hindi madaling pag-aralan ang sayaw na “Tinikiling” kaya naman marami ang bumilib sa ipinamalas na husay ni Bullet.

“That is one adorable dog right there and can even dance Tinikling way better than me,” pahayag ni NS.

“What an amazing dog dancing Tinikling! Clever doggie, you make me happy. I would like to give you a hug! Brilliant! I’m sure the owner is very proud of you!” ani LG.

I-click ang imahe para panoorin ang video

“Buti pa ang aso marunong at memorize pa ang sayaw. If ako iyan, ipit paa talaga.Hahahaha!” natatawang sabi ni ZF.

May paalala naman ang Facebook page na Philippines Best sa mga nagnanais ipagawa ang sayaw na Tinikling sa kanilang mga alagang aso matapos mapanood ang video ni Bullet.

Ayon sa kanilang post sa comment section, hindi dapat puwersahin ng mga dog owners ang kanilang aso na magsayaw ng Tinikling. Dagdag nila sa mga nais gumaya sa video, nararapat lamang na komunsulta sa professional dog trainer para masiguro na walang masasaktang aso at tao habang pinag-aaralan ito.

Imahe mula sa Facebook page na Philippines Best