Ama at anak na may kapasanan, hindi namamalimos sa kabila ng kalagayan; mga tumutulong nang kusa, dagsa




Larawan mula sa Facebook post ni Vanch Delos Santos
  • Viral ngayon sa Facebook ang post ng isang netizen tungkol sa mag-amang nananatili sa sidewalk
  • May kapansanan ang anak ng matanda ngunit hindi sila namamalimos sa kabila ng kalagayan
  • Masaya at nagpapasalamat sila sa mga kusang tumutulong sa kanila ng anak

Mahirap mang tanggapin, ngunit tila bahagi na ng mga abalang lansangan sa bansa ang mga namamalimos. Karamihan sa mga ito ay may kapansanan, mga matatanda, mga batang inabandona mga magulang, o mga pamilyang walang maayos na hanapbuhay at tirahan.

Gayunman, may mga tao pa ring kahit kapos na ay hindi pa rin nakukuhang manghingi ng tulong at mang-abala sa kapuwa. Ganito ang laman ng viral Facebook post ni Vanch Delos Santos tungkol sa mag-amang hindi man nanghihingi ng tulong sa kabila ng kalunos-lunos na kalagayan, ay dinaragsa naman ng ayuda mula sa mga may mabubuting kalooban.

Larawan mula sa Facebook post ni Vanch Delos Santos

Napansin umano ni Delos Santos ang isang matandang lalaki sa loob ng convenience store sa Makati. Hindi ito nanghihingi ng anumang limos mula sa mga tao sa loob ng tindahan at bumibili ito ng sariling pagkain. Ngunit sa kabutihang loob ng crew ng convenience store, hindi na nito pinagbayad ang matanda. Binigyan na rin ni Delos Santos ng mineral water ang matanda.

Paglabas ng tindahan, sinundan ito ni Delos Santos at nakitang mayroon pa itong kasama na nakasakay sa isang wheelchair. Namangha  si Delos Santos dahil walang lata o anumang lalagyan ng limos sa lugar na kinaroroonan ng dalawa.

Kung mayroon daw kusang-loob na magbibigay sa kanila, tinatanggap naman daw nila tatay ito para na rin sa kanyang anak na may kapansanan. Habang kinakausap nga ni Delos Santos ang mag-ama, mayroong lumapit na babaeng bumbero at nag-abot ng pagkain mula sa isang sikat na fast food restaurant.

Salaysay ni Delos Santos, taga-Zamboanga daw si tatay, ayon mismo sa kuwento ng matanda, ngunit sa Sta. Mesa, Maynila daw sila nakatira ngayon. May mga anak daw siya ngunit pamilyado na; puwera sa anak na kasa-kasama sa lansangan.

Larawan mula sa Facebook post ni Vanch Delos Santos

Nanawagan naman si Delos Santos ng tulong para sa matanda at sa anak nito. Sinabi niyang kung gusto raw magpaabot ng tulong para sa mag-ama, makikita raw ang mga ito sa may Centro Escolar University sa Makati.

Tumutulong naman ngayon ang mga netizens para i-tag ang ilang opisina ng pamahalaan at public service show na maaari makapagbigay ng ayuda sa mag-ama.

Sa kasalukuyan, mayroon nang higit 18,000 reactions, 4,400 comments, at 28,000 shares ang post ni Delos Santos. Umaasa siya na maliban sa pagva-viral ng post na ito, ay marami ding magpapaabot ng anumang tulong sa mag-ama.