Agatom ng Sineskwela na si Brenan Espartinez, TnT daily champion na, voice coach pa ng mga artista




Larawan mula sa Instagram account ni Brenan Espartinez at YouTube
  • Mahalagang bahagi ng 90s educational show na Sineskwela si Brenan Espartinez bilang Agatom
  • Sumali siya sa TnT Celebrity Champions at itinanghal na daily winner
  • Voice coach na rin siya ng mga artista katulad nina Vice Ganda at Anne Curtis

Bahagi ng kabataan ng marami sa atin ang mga educational shows. Isa sa mga tumatak ay ang 90s science show na Sineskwela. Mula sa Kapamilya educational show na ito ay maraming mga artista ang mas nakilala katulad nina Giselle Sanchez, Winnie Cordero, at Icko Gonzales.

Isa pang pangalang nanatili sa showbiz ay si Brenan Espartinez na nagpamalas naman ng husay sa pagkanta. Mula sa pagganap sa papel na Agatom, naging isang sikat na singer si Brenan at naging runner-up pa ni Jonalyn Viray noong 2005 sa Pinoy Pop Superstar. Dahil dito, naging recording star si Brenan at sumikat ang kanyang single na “Ikaw” at napabilang sa defunct GMA Network musical variety show na SOP.

Larawan mula sa Instagram account ni Brenan Espartinez

Ngayon naman, tinanggap ni Brenan ang hamon ng Kapamilya noontime show na It’s Showtime at lumahok sa Tawag ng Tanghalan Celebrity Champions. Nakaharap niya ang comedian na si Wacky Kiray, dating child star na si Cha-cha Cañete, at Los Bastardos actor na si Joshua Colet.

Pinabilib ni Brenan ang mga judges, kabilang ang mga kasamahan niya noon sa SOP na sina Ogie Alcasid, Kyla, at Karylle, sa kanyang rendition ng Adele song na ‘When We We’re Young.’ Naging sapat ito upang siya ang tanghaling daily celebrity champion ng TnT.

Sa pagsali ni Brenan sa TnT, dito nalaman ng madlang people na kaya pala hindi na siya napapanood sa telebisyon at mga pagtatanghal ay dahil abala na siya kanyang trabaho sa likod ng camera. Nagsisilbi na kasing voice at recording coach si Brenan ng mga artista.

Sa panayam ni Brenan sa host na si Vice Ganda sa TnT, inilahad ng komedyante na voice coach nila ni Anne Curtis ang dating si Agatom. Naturuan na raw ni Brenan sina Vice at Anne sa kanilang recording at rehearsals sa concert. Mayroon ding mga pagkakataon na nagtatanghal si Brenan bilang backup singer sa ilang Kapamilya shows, kabilang na ang sinalihan niya ngayong Tawag ng Tanghalan.

Larawan mula sa YouTube

Marami namang fans ni Brenan ang natuwa sa muli niyang paglabas bilang isang performer. Na-miss daw nila ang kalidad ng boses ni Agatom na minahal nila sa Pinoy Pop Superstar. Bago pa raw dumating ang maraming RNB singers sa bansa, nauna muna si Brenan na nagpakanta sa mga Pilipino.

“Pang-international ang tunog. Pro na pro. Halatang sanay nang sumali sa pangmalakasang contest. Ikaw ba naman makalaban ni Jonalyn Viray eh. You deserve the limelight!” sabi ng isang netizen na masayang-masaya sa pagbabalik ni Brenan.

Tarang makinig at manood kay Brenan sa videong ito na ibinahagi ng kapamilya Trending sa kanilang YouTube channel: