After 10 years: Naudlot na pelikulang ‘Kings of Reality Show’ nina Ariel & Maverick, ipapalabas na




Mga imahe mula sa Facebook account ni Ariel Villasanta
  • Sampung taon na ang nakalilipas nang simulang i-shoot sa Amerika ang pelikulang Kings of Reality Show
  • Ito sana ang unang pelikula ng comedy tandem na sina Ariel & Maverick na naudlot ang produksiyon noon
  • Nagsikap naman si Ariel na maipagpatuloy ang pelikula na patungkol sa kaniya bilang isang struggling artist

Makalipas ang sampung taon ay maipalalabas na ang unang pelikula ng comedy tandem noon na sina Ariel Villasanta at Maverick Relova na nakilala bilang “Ariel & Maverick.”

Masalimuot pala ang pinagdaanan ng dalawang komedyante sa pagkakaudlot ng kanila sanang unang pelikula na magkasama.

Imahe mula sa Facebook account ni Ariel Villasanta

Ayon sa report ng ABS-CBN, ibinahagi ni Ariel ang mga pinagdananan ng pelikulang Kings of Reality Show, na nagsasaad ng kuwento tungkol sa isang struggling artist na tumutukoy kay Ariel mismo.

Maraming personalidad ang nilapitan umano ni Ariel upang matuloy ang pagpapalabas ng nasabing pelikula.

“Lumapit ako sa kanila para may pinansyal na tulong at advice para mabili ko ang pelikula na na-shelve ng GMA Films 10 years ago na nai-shoot namin sa States,” pahayag ni Ariel sa press sa isinagawang media launch ng “Kings of Reality Show.”

Ipinaliwag din ni Ariel na hindi umano pangkaraniwang pelikula ang kaniyang prinodyus. Hindi umano ito scripted na kailangan ng memorization. Ito ‘yung paglapit ko sa kanila, naka-roll na ang camera kaya kung ano ang natural reaction nila iyon na ‘yun,” paliwanag pa niya.

Isa sa mga personalidad na nilapitan niya ay si Senador Manny Pacquiao na medyo malaki umano ang naitulong kay Ariel.

“Actually sinasanla ko ang singsing ko, pero sabi niya [Pacquiao] ‘sige na huwag mo na isanla ‘yan. Ako na bahala,” saad pa nito na may himig ng pagpapatawa.

Sa higpit ng pangangailangan, naisanla pa rin daw ni Ariel ang kaniyang sariling bahay para lang mairaos ang pelikula.

Sa kabila nito, nagagawa pa ring maging masaya ni Ariel sapagkat ito ang kaniyang passion at nais niyang ihandog ang kaniyang pelikula sa mga tulad niyang struggling artist.

Imahe mula sa Facebook account ni Ariel Villasanta

Samantala, nanawagan naman si Ariel sa dating kaibigan na si Maverick. Nawalan sila umano ng koneksiyon sa isa’t isa nang hindi natuloy noon ang kanilang pelikula. Umaasa ito na magkakaayos silang muli ng dating kaibigan.

Sa Nobyembre 27 ay mapapanood na sa mga sinehan ang Kings of Reality Show.

Source :

ABS-CBN, YouTube