Videoke machine, sinira ng barangay officials dahil ‘di raw sumunod sa 10PM cut-off ang may-ari




Larawan mula sa Barangay Mambugan
  • Sinira ng barangay officials ang isang videoke machine dahil lumabag daw ang may-ari sa itinakda nilang 10PM cut-off time sa paggamit nito
  • Ilang beses daw sinabihan ng mga opisyales ang gumagamit pero nagmatigas umano ito 
  • Iba-iba naman ang opinyon ng mga netizens tungkol sa naging hakbang ng mga barangay officials

Kapag mayroong party o kasiyahan ang mga magpapamilya, hindi puwedeng mawala ang videoke. Halos lahat ng Pilipino, singer man o sintunado, ay nakikipag-agawan ng mikropono maibirit lamang ang paborito nilang awitin.

Pero para sa mga taga-Barangay Mambugan, Antipolo City, Rizal, may oras lamang ang pagbirit sa videoke dahil mahigpit na nilang ipinatutupad ang 10PM cut-off para sa paggamit ng videoke, anumang araw sa buong linggo.

Nag-viral sa social media ang post ng Barangay Mambugan na winawasak ang isang videoke machine. Ayon sa mga opisyales, matagal na raw nilang ipinatutupad ang cut-off time para sa paggamit ng videoke ngunit marami pa rin ang lumalabag, kabilang ang may-ari ng videoke machine na sinira nila.

Larawan mula sa Barangay Mambugan

Hindi raw tumutupad sa polisiyang ito ang may-ari at makailang ulit na nilang pinuntahan ang gumagamit ng videoke. Kaya naman kinumpiska nila ito at dahil ayaw daw nilang itambak sa barangay hall ito at mapagbintangan na pinag-iinteresan pa nila, sinira na lamang nila ito sa pamamagitan ng pagmamartilyo.

“Tatlong beses mahigit pinuntahan po yan sa sobrang ingay nag-cause yan ng gulo sa sitio kaya kinumpiska at wala pong balak itambak yan sa barangay namin dahil baka mapagsabihan pa na pinag-iinteresan, salamat po,” paliwanag ng admin ng Facebook page ng barangay sa comment section.

Kung may ilang sang-ayon, may mga netizens din na inalmahan ang ginawang pagsira sa videoke machine. Ayon sa ilang Facebook users, hindi naman daw sapat na dahilan ang paglabag sa 10PM cut-off para sirain ang isang gamit na hindi naman nila pag-aari. Mas mainam daw na pinagmulta na lamang ang mga ito.

Dapat din daw na iyong mga nag-arkila ang siyang managot sa pangyayari at hindi ang may-ari ng videoke machine. Tila nagpapasikat lamang daw kasi ang mga opisyales kaya direktang sinira ang kompiskadong videoke machine.

Larawan mula sa Barangay Mambugan

Gayunman, pinanindigan ng Barangay Mambugan ang kanilang desisyon at sinabing malinaw ang patakaran nila bago nabigyan ng permit ang may-ari. Pananagutan daw nito na kunin ang machine kapag alas-10 na ng gabi o puntahan ang nag-renta upang paalalahanan.

Sinegundahan naman ng isang netizen ang barangay at sinabing bilang nagpapaupa ng videoke machine, dapat daw ay may mga polisiya rin itong sinusunod at pinaaalalahanan ang mga nag-renta na kasama sa responsibilidad nila bilang isang negosyong kumikita.

Dapat daw ay mas maawa ang mga netizens sa mga taong napupuyat sa maingay na pagkanta ng mga kapitbahay kahit dis oras na ng gabi at mayroong pasok kinabukasan.