[Video] Small act of kindness: Motorista, tinulungan ang pusa na naipit sa gitna ng EDSA




Imahe kuha mula sa video ni Genesis Dumlao/ Cris Buban Dumlao via Facebook
  • Nakuhanan ng dash cam ng isang motorista ang pagkaipit ng isang kuting sa may gitna ng EDSA
  • Makikita ang mabilis na paggalaw ng motorista upang pigilan ang isang sasakyan bago nito maipit ang kuting
  • Ang sinagip nilang pusa ay dinala nila sa isang gasoline station upang painumin at isang gasoline boy ang kumupkop dito
Imahe kuha mula sa video ni Genesis Dumlao/ Cris Buban Dumlao via Facebook

Katulad ng mga makikitang black box o dash cam sa loob ng sasakyan, marami na sa mga motorista ang nagkakabit ng dash cam sa kanilang mga helmet.

Ito ay upang makuhanan ng video ang kanilang pagbiyahe at ma-record kung sakali mang may hindi magandang mangyari sa kanila.

Marami na sa mga kuha ng dash cam ng mga motorista na naa-upload sa social media ang nagpapakita ng mga hindi magagandang pangyayari. Ngunit kamakailan, isang kuha ng dash cam ang umantig sa puso ng mga netizens.

Ang video na ito ay kuha ng isang motorista habang siya at ang kaniyang asawa ay bumibiyahe sa kahabaan ng EDSA.

Imahe kuha mula sa video ni Genesis Dumlao/ Cris Buban Dumlao via Facebook

Sa video na ito na may haba lamang na 30 segundo, makikitang tinatahak ng uploader na si Genesis Dumlao ang EDSA sakay ng kaniyang motor.

Sa isang bahagi ng video, makikita ang maliit na kuting habang ito ay naipit sa gitna ng mga rumaragasang sasakyan.

Sa mabilis na pagkilos ni Dumlao, napigilan niya ang isang itim na sasakyan bago pa nito maipit ang kaawa-awang pusa. Maririnig naman sa video ang paghiyaw ng kaniyang asawa na nakaangkas sa kaniya.

Maagap naman na nag-preno ang sasakyan at dali-daling pinulot ng asawa ni Dumlao ang umiiyak na kuting.

Imahe kuha mula sa video ni Genesis Dumlao/ Cris Buban Dumlao via Facebook

I didn’t hesitate to stop, me and my wife signaled the approaching car to stop,” ani Dumlao.

It almost hit the poor kitten, but thankfully the car stopped and my wife immediately grabbed the kitten. The kitten looks really exhausted, kawawa talaga,” dagdag pa niya.

Kuwento pa ni Dumlao, pagkatapos nilang sagipin ang nanghihinang kuting, dinala nila ito sa isang malapit na gasoline station upang painumin ng tubig.

Kung hindi lang umano sila papasok sa trabaho, kukupkupin na sana nila ang kuting na pinangalanan nilang “EDSA.” Ngunit isang gasoline boy umano ang nagmagandang-loob at sinabing siya na lang ang mag-aalaga sa pusa.

We are planning to visit kitty this weekend to check him/her,” ayon pa kay Dumlao.