Valerie Concepcion, inilabas ang “save the date” video para sa kanyang kasal sa Disyembre




Larawan mula sa Instagram account ni Valerie Concepcion
  • Ikakasal na ang aktres at host na si Valerie Concepcion sa Disyembre
  • Inilabas niya sa kanyang Instagram account ang “save the date” video ng kasal
  • Nakatanggap naman si Concepcion ng pagbati mula sa kanyang mga kaibigan sa industriya

Excited na ang aktres at TV host na si Valerie Concepcion sa kanyang nalalapit na kasal. Masayang ibinahagi ng freelance artist ang “save the date” video ng kanyang kasal na gaganapin sa Disyembre 28.

Ayon kay Concepcion na inilabas ang video eksakto tatlong buwan bago ang kanyang kasal, sobra ang pagkasabik niyang pakasalan ang Guam-based fiancée na si Francis Sunga. Makailang beses na nga raw niyang napanood ang “save the date” video niya.

Larawan mula sa Instagram account ni Valerie Concepcion

“Here’s our “SAVE THE DATE” video. Sending it your way exactly 3 months before we TIE THE KNOT. I’ve watched it countless times but can’t seem to stop myself from watching it over and over. So thankful to you for capturing our happiness, Nice Print Photo,” sabi niya sa kanyang Instagram post.

Nagpaabot naman ng pagbati ang malalapit na kaibigan ni Concepcion mula sa iba’t ibang network kung saan malayang nakagagawa siya ng proyekto.

“I am soooo happy for you Val!!! Love you!” sabi ni Mariel Padilla na ilang taon niyang naging co-host sa Wowowee na dating show ni Willie Revillame sa ABS-CBN.

Isa pang dating co-host ni Concepcion sa Wowowee na si Carmen Soo ang nagpaabot ng pagbati sa kanya.

“So beautiful. Congrats again!” sabi ni Soo na isang Chinese-Malaysian actress na nanatili sa Pilipinas nang ilang taon matapos gawin ang teleseryeng Kahit Isang Saglit kasama si Jericho Rosales.

Larawan mula sa Instagram account ni Valerie Concepcion

Noong Agosto ng nakaraang taon, nag-post si Concepcion ng larawan ng kanyang nobyo pa lamang na si Sunga at ng kanyang kamay suot ang isang magarang singsing. Hindi man kinumpirma ng aktres na ito ay isang engagement ring, umapaw naman ang pagbati mula sa kanyang mga showbiz friends.

Gayunman, nagpatuloy ang pagpo-post ni Concepcion ng mga paghahanda nila ni Sunga para sa kanilang kasal hanggang sa inilabas na nila ang “save the date” video.

Isang court clerk sa Guam ang fiancé ni Concepcion. Noong Enero, nagdiwang sila ng kanilang ikalawang anibersaryo bilang magkasintahan.