Usapang utang: Sen. Risa Hontiveros naghain ng resolusyon na magpoprotekta sa mga borrowers mula sa online shaming




Mga imahe mula sa Pixabay at Facebook page ni Senator Risa Hontiveros
  • Sa panahon ng kagipitan, marami sa atin ang umaasa sa utang
  • Gayunman, maraming abusadong debt collectors ang idinadaan sa maling paraan ang paniningil ng utang
  • Inihain ni Senator Risa Hontiveros sa senado ang isang resolusyon na magpoprotekta sa mga borrowers

May mga indibidwal o kompanya na pinagkakakitaan ang pagpapautang. At sa tulong ng modernong teknolohiya, mas madali at mabilis na rin ang pagproseso nito.

Katunayan, maraming lending firms ang nagpapautang gamit ang Internet, social media, at mobile applications kung saan nagagawa rin nilang makuha o ma-access ang mga credentials ng sinumang uutang sa kanila.

Imahe mula sa Pixabay

Gayunman, kung ano ang bilis ng proseso sa pagpapautang ay masalimuot naman ang proseso ng paniningil ng maraming online lending firms.

Patunay rito ang mga natanggap na reklamo ng National Privacy Commission (NPC) ukol sa mga harassment, pagbabanta, at masasakit na pananalita ng mga debt collectors sa mga borrowers.

Humahantong pa na maging ang contact details na nakarehistro sa kani-kanilang mobile phones ay naa-access na rin umano ng mga maniningil kahit wala naman itong pahintulot.

Dahil dito, inihain sa senado ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 136 na layuning protektahan mula sa online shaming ang mga hindi makabayad ng utang sa mga lending companies, lalo na kung ang utang ay hindi naman ganoong kalakihan.

Ayon pa umano sa mga natanggap na report ng NPC, maging ang mga kamag-anak ng mga borrowers ay tinatawagan ng mga debt collectors at sapilitang pinababayaran sa mga ito ang utang ng kanilang kapamilya.

May mga pagkakataon din na naipo-post online ang mga larawan ng nangutang dahil ang ginamit nilang mobile app ay may access sa camera at lokasyon ng kanilang device.

Lumalabas din sa report na marami sa mga kasong ito ay umaabot lamang sa tatlong libong piso ang utang ngunit nakararanas sila ng masasakit at hindi makataong paraan ng paniningil.

Ayon kay Hontiveros, sinasamantala ng mga online lending companies ang kalagayan ng mahihirap na Pilipino.

“Maliliit ang utang, pero kung maningil, akala mo si Janet Lim-Napoles ang sinisingil. No one should profit from harassment and shaming small people,” paliwanag ng senadora.

Imahe mula sa Facebook page ni Senator Risa Hontiveros

Gayunman, nanindigan si Hontiveros na marapat lamang na bayaran ang utang ngunit hindi na ito dapat paabutin pa sa sukdulang pagpapahiya.

“Tama na ang utang ay dapat binabayaran. Pero hindi ito dahilan para sa mga lending companies na gamitin ang utang, lalo na kung maliliit ang halaga, para magpahiya at manira ng buhay. It’s not an excuse to buIly, shame and violate a person’s privacy,” dagdag pa ni Hontiveros.