Tribute video ng isang fast food chain para sa Grandparents day, umantig sa puso ng mga netizens




Larawan mula sa video ng Jollibee Studios
  • Viral ngayon sa social media ang video ng Jollibee para sa Grandparents day
  • Tampok sa video ang kuwento ng isang kuripot na lola na ginagawa ang lahat para makatipid
  • Iyon pala, may pinag-iipunan si lola para sa kanyang apo na mayroon ding surpresa para sa kanya

Tuwing ikalawang linggo ng Setyembre, ipinagdiriwang ang araw ng ating mga lolo at lola o mas kilala sa tawag na Grandparents Day. Sa araw na ito, karaniwang nagsasama-sama ang pamilya upang magbigay-pugay sa kadakilaang ipinakikita nila para sa kanilang mga anak, at higit sa lahat, para sa mga mahal na apo.

At bilang bahagi ng pagdiriwang ng espesyal na araw na ito, naglabas ng isang tribute video ang sikat na fastfood restaurant na “Jollibee” para sa mga dakilang lolo at lola. Kinatatampukan ang inspirational video ng isang lola at kanyang apo na nagpakita ng kahanga-hangang pagmamahal sa isa’t isa.

Larawan mula sa video ng Jollibee Studios

Pinamagatan ang mahigit dalawang minutong video na “Garapon” na kuwento ng isang lola na labis ang pagtitipid. Kahit mga barya ay hindi pinatatawad ni lola at isinasantabi ang mga gusto niyang bilhin, kabilang ang isang pares ng sandalyas. Iyon pala, kaya labis ang pagba-budget ni lola ay nais nitong makabili ng pangarap na gadget ng kanyang apo.

Nabili naman ni lola ang kanyang regalo sa apo dahil napuno na niya ng barya ang malaking garapong pinaglalagakan niya ng pera. Ang hindi niya alam, mayroon ding surpresa sa kanya ang apo at binili ang sandalyas na una niyang tinanggihan para mabili ang gadget ng apo.

Katulad ng mga naunang video ng Jollibee para sa iba’t ibang pagdiriwang, nag-viral din ang “Garapon” na umabot na sa mahigit 7 milyon ang views sa YouTube, apat na araw lang ang lumipas simula nang i-upload ito.

Pitong milyon din at nadaragdagan pa ang views ng video sa Facebook, kasama ang 340,00 reactions, 24,000 comments, at 156,00 shares.

Naantig naman ang mga netizens sa tribute video na ito ng Jollibee at kanya-kanyang bahagi at pagse-senti dahil sa nakaaantig na kuwento nito.

Ayon sa ilang netizens, na-miss daw nila ang kanilang lolo at lola na namayapa na at malungkot sila dahil hindi nila makakasama ang mga ito sa darating na Grandparents day.

I-click ang larawan para mapanood ang video

Ang ibang netizens naman, ibinahagi ang kanilang “garapon” moments kasama ang kanilang lolo at lola na kailanman ay hindi nila malilimutan.

Kapansin-pansin din ang comments ng mga overseas Filipino workers (OFW) na gusto ring umuwi sa Pilipinas dahil sa video. Bukod raw kasi sa gusto nilang makasama ang pamilya, gusto rin nilang pagsaluhan ang mga paborito nilang pagkain sa espesyal na araw na ito.

Bahagi na ng tradisyon ng Jollibee ang paglikha ng mga inspirational video na hinahangaan dahil sa kakabiang twist sa istoryang kanilang ipinakikita.

Source :

Facebook, YouTube