Trending tatay na gumagawa ng gown ng anak: “Yung makita mo ang anak mong tuwang-tuwa sa suot niya, priceless ‘yon”




Larawan mula sa YouTube at Twitter ni Toni Masil
  • Nag-viral sa social media ang post ng isang anak na proud sa gawang gown ng kanyang tatay
  • Sa isang panayam, sinabi ng ama na si Greg Masil na wala siyang formal education sa pananahi at natuto lang magturo ng dressmaking sa eskwela
  • Proud rin daw si Greg na ipinagmamalaki siya ng mga anak at wala raw katumbas na halaga iyon

Pinag-usapan sa social media ang post ng isang dalaga na proud na proud sa mga likhang gown ng kanyang ama. Ibinahagi ng netizen na si Toni Masil sa kanyang Twitter account na madalas silang ipagtahi ng kanyang teacher na ama ng gown at mga damit.

Ang viral Tatay na taga-likha ng magagarbong suotin ng kanyang mga anak, mas nakilala pa ng netizens at mga Pilipinong humanga sa kanya sa pamamagitan ng isang panayam sa flagship newscast ng GMA Network na 24 Oras.

Larawan mula sa Twitter account ni Toni Masil

Ayon kay Greg Masil, wala raw siyang formal training sa pananahi. Ngunit dahil na-assign upang magturo ng dressmaking, dito pinagpursigihan ng guro na matutuhang gumawa ng mga damit gamit ang mga retasong tela at punda ng unan.

Unti-unting napagyaman ni Greg ang kanyang galing sa pananahi, hanggang sa nakagawa siya ng isang gown na hango sa iconic dress ng Disney Princess na si Belle ng “Beauty and the Beast” na unang isinuot din ng kanyang anak na si Toni.

Pahayag ng nag-trending na tatay, wala raw mapagsidlan ang sayang nararamdaman niya sa tuwing makikitang masaya ang kanyang mga anak dahil mayroon silang magandang suot na nagpapataas na rin sa kumpiyansa ng mga ito.

“Yun po bang makita mo ang anak mo na umiikot, tuwang-tuwa doon sa damit niya… ‘yung smile niya… priceless po iyon,” sabi ni Greg na guro sa isang pampublikong eskwelahan sa Pampanga.

Dagdag pa niya, walang sinumang sikat na designer ang makapagbibigay ng ganoong ligaya sa kanyang mga anak, gayundin ang ligayang naibibigay sa kanya ng mga anak na hindi matutumbasan ng kahit sinumang nagpapagawa ng damit sa kanya.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

“Hindi ‘yun kayang bayaran ng kahit sinong sikat na designer… ‘Yun ang feeling ko. Parang pag nakikita ko na ang mga anak ko na proud na proud silang sinasabi na ‘gawa ng daddy ko to’,” naluluhang sabi ni Greg.

Sabi pa ni Greg, sinisikap niya raw na maging best daddy sa kanyang mga anak, lalo’t lumaki siya na walang ama. Hindi man daw siya perpekto, proud siyang maging hands-on father sa tatlong anak at ang dalawa sa mga ito ay college graduate na.

Pahayag naman ni Toni, kapag suot niya ang gown na gawa ng tatay, mas proud siyang irampa ito at iniisip na laging kasama ang mahal na ama sa tagumpay na tinatamasa gaya ng pagwawagi nito sa isang patimpalak.

Atin pagmasdan ang mga nalikha ng butihing ama para sa kanyang mga anak sa video na ito na ibinahagi ng 24-Oras via YouTube: