‘That’s My Boy’ contestant na gustong harapin ang China: “Para hindi nila makuha ang dagat natin”




Larawan mula sa YouTube video ng Eat Bulaga
  • Viral ngayon ang sagot ng isang “That’s My Boy” contestant ng Eat Bulaga sa question and answer portion
  • Sabi ni Jaydee, 6-anyos, gusto raw niyang maging sundalo upang ipagtanggol ang inaagaw ng China na West Philippine Sea
  • Bumilib naman ang mga host at audience ng Eat Bulaga sa sagot ng bata

Marami nang produkto ng mga contest ng noontime show na “Eat Bulaga” ang nakitaan ng angking talino at pagkabibo. Patunay nito ang Little Miss Philippines 2012 na si Ryzza Mae Dizon na ngayon ay mainstay na rin ng show.

Mukhang magkakaroon na naman ng bagong child wonder ang longest running noontime show dahil nagpabilib ang isang “That’s My Boy” contestant sa kanyang sagot sa question and answer portion. Ibinida ng anim na taong gulang na si John Draven “Jaydee” Carag mula sa Antipolo City ang kanyang kaalaman sa current events sa murang edad.

Larawan mula sa YouTube video ng Eat Bulaga

Mapapanood sa YouTube video na inupload ng Eat Bulaga ang pagsagot ni Jaydee sa mga tanong ng hosts na sina Pia Guanio at Ryzza Mae. Tinanong ni Pia kung ano ang gustong maging trabaho ni Jaydee sa hinaharap. Dito niya naipakita ang kaalaman niya sa mga nangyayari sa bansa.

Sumagot naman si Jaydee na gusto niyang maging sundalo. Nagkaroon ng follow-up question si Pia kung bakit gusto niyang maging alagad ng ating batas na ikinagulat ng mga host at studio audience.

“Para talunin ang China,” sagot ni Jaydee na umani ng iba’t ibang reaksyon kina Ryzza Mae at Pia. Nagtanong muli si Pia kung bakit nais ni Jaydee na puksain ang China.

“Para hindi nila makuha ang dagat natin,” nakangiting sagot ni Jaydee na pinalakpakan ng mga host at audience.

Tuwang-tuwa rin ang host na si Allan K. na katabi ang magulang at kapatid ng bata na proud na proud naman sa sagot ng kanilang pambato.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Inungkat din ng mga host kung paanong may nalalaman na si Jaydee sa mga isyung panlipunan gayong anim na taong gulang lamang siya. Sabi ng bata, hilig daw niya ang manood ng balita sa TV.

Alam din ni Jaydee na dahil sa pag-angkin ng China sa mga katubigan ng Pilipinas o West Philippine Sea (WPS), nawawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda ng ating bansa.

Isang seryosong suliranin ng bansa ang pagtutunggali ng China at Pilipinas para sa WPS. Kamakailan nga, tumungo pa si Pangulong Rodrigo Duterte sa China upang ilaban ang pagkapanalo ng Pilipinas sa International Tribunal na hindi naman kinikilala ng China.

Bandang huli, itinanghal na daily winner si Jaydee ng That’s My Boy at pasok na sa grand finals ng kompetisyon.

Nais mo ba siyang makita sa video?

Source :

YouTube, YouTube