Tekken producer, gustong gumawa ng Jollibee-inspired Tekken character na tatawagin daw na “Josiebee”




Larawan mula kay Katsuhiro Harada at Wikipedia
  • Nasa bansa ang Tekken producer na si Katsuhiro Harada para sa isang gaming event
  • Sinabi niya sa kanyang Twitter account na gusto niyang gumawa ng isang Tekken character na inspired kay Jollibee
  • Sa gaming event, inilabas niya ang kanyang ideya at ipinakilala si “Josiebee”

Kung “bida ang saya” ang motto ng sikat na fast food restaurant na Jollibee, maaaring sa mga susunod na panahon ay “bida ang aksyon” na ang sasabihin ng tanyag na mascot. Ito ay matapos ipahayag ng producer ng sikat video game na Tekken na gusto niyang gawing character sa laro si Jollibee.

Nasa bansa ang Tekken producer na si Katsuhiro Harada at sa kanyang Twitter account, nag-tweet siya ng larawan ng paper cup mula sa fast food chain na may mukha ni Jollibee. Dahil doon, nabuhay ang tweet ni Harada noong 2014 na gusto niya raw gawing Tekken character si Jollibee.

Larawan mula sa Twitter account ni Katsuhiro Harada

May nag-tweet kasi kay Harada noong 2014 na humahanga sa kanyang mga gawa. At sinabi ng Japanese producer na gusto niya raw gumawa ng isa pang Pinoy character sa arcade game na Tekken, at maaaring si Jollibee ito o hahanguin niya rito ang susunod na Pinoy fighter sa Tekken.

“Harada-san, love your work on Namco’s fighting games! Hope you can add Filipino characters,” sabi ng isang netizen kay Harada noong 2014.

 “Jollibeeeeeeeeeee!!!! I’ll consider,” sagot ni Harada na direktor din ng iba’t ibang video at arcade games na pumatok sa iba’t ibang panig ng mundo.

Nasa Pilipinas si Harada para dumalo sa Rev Major 2019, isang online gaming event sa Pilipinas na ginanap nitong weekend. Isa sa mga laro sa Rev Major ay ang Tekken World Tour Master event.

Nagkaroon din ng presentation si Harada sa Rev Major kung saan ipinasilip niya ang kanyang idea na ng bagong Tekken character na hango kay Jollibee na tinawag niyang si Josiebee.

Larawan mula sa Twitter account ni Katsuhiro Harada

Matatandaang noong 2015 ay napabilang sa mga fighter ng Tekken ang isang babaeng tauhan na hango sa bayaning Pilipino na si Jose Rizal. Pinangalanan ang kick boxer character na si Josie Rizal na bihasa rin sa Pinoy martial arts na eskrima.

Gayunman, naging sari-sari ang reaksyon sa pagkakahango ni Josie Rizal sa isa sa mga dinadakilang bayani ng bansa. Inihayag pa nga noon ni Harada na maaari niyang tanggalin ni Josie Rizal sa Tekken kung aalma ang pamahalaan ng Pilipinas.

Ngunit hindi na ito pinagtuunan ng pansin ng gobyerno at nananatili si Josie Rizal sa Tekken games hanggang sa kasalukuyan.

Kanya-kanyang tweet naman ang Pinoy fans ni Harada sa kanya ng kanilang mga ideya nila sa maaaring kalabasan ng Jollibee-inspired Tekken character. Ang ilan nga ay bumuo pa ng fan art para sa susunod na Pinoy Tekken hero.