“Teacher na rin po ako Ma’am!” Netizen, binigyang–pugay ang dating guro




Imahe mula sa Facebook account ni Jasmine Honorario Engay/Public Domain Image
  • Isinalaysay ng gurong netizen ang pagkikita nila sa isang mall ng isang dating guro 
  • Ipinagmalaki niya rito na isa na rin siyang ganap na guro
  • Pinaalalahanan ng netizen ang lahat na huwag kalilimutan ang mga naging guro

Ibinahagi ng isang gurong netizen ang masayang pakiramdam matapos niyang muling makita ang isang dating guro at maipagmalaki ritong isa na rin siyang ganap na kabaro nito.

Ayon sa Facebook post ng netizen na si Ma’am Jasmine Honorario Engay noong Agosto 31, 2019 na may pamagat na “TEACHER NA RIN PO AKO MA’AM”, nagkrus ang landas nila ng dating guro sa elementaryang pinagtapusan niya, sa isang mall matapos magbayad ng bills.

“After ng klase ko sa Grad School, nagpunta ako sa mall para magbayad ng bills at para magpalamig na rin. Medyo masakit yung hita ko so I decided to take a seat, sa tabi ko may naaninag akong kilalang mukha. Alam ko teacher siya sa Lopez Elementary School (school ko noon), ‘di ko man siya naging teacher pero kilala ko siya. Mag isa siyang nakaupo sa bench, may hinihintay.”

Imahe mula sa Facebook account ni Jasmine Honorario Engay

Dahil nabanggit daw sa klase niya sa graduate school na natutuwa raw ang mga seasoned teachers kapag nakakakita o nakakasalubong ng mga dating mag–aaral sa alinmang lugar, binati raw niya ito. Kahit alam niyang hindi naman siya nito nakilala, nakipag–usap pa rin ito sa kaniya. Dalawang uri ng tao lamang daw ang tumatawag sa kaniya ng Ma’am: dating katrabaho o dating mag–aaral.

“Tamang–tama na nabanggit sa klase namin kanina na yung mga teachers, especially seasoned teachers, they are always looking forward to see students na makikilala sila sa mall o sa kahit saang public place. Then I greeted her with a smile saying ‘Hi, Ma’am, Kamusta po?’ Kitang–kita ko kung paano siya mag–smile, very real; ‘Hello’.”

Dagdag pa niya: “Alam kong gusto niyang hindi ko mahalata na hindi niya ako kilala kaya nagtanong siya, ‘Ano nga ang name mo’? After saying my name, alam kong kunwari nakilala niya ako. Sabi niya dalawa lang daw ang tumatawag sa kanya ng Ma’am, either dating katrabaho o kaya naman dati niyang estudyante.”

Matapos ang ilan pang kumustahan, napag–alaman niyang nagretiro na pala ang naturang guro. Ipinagmalaki naman niya rito na isa na rin siyang ganap na guro. Pagkatapos nilang magkumustahan, natigilan ang netizen at napaisip.

“Kapag kaya dumating yung panahong mag retire na ako, kakamustahin kaya ako ng mga dating estudyante ko? Makikilala pa kaya nila ako? Ngingitian kaya nila ako sa mall, sa palengke o kung saan man? Sana.”

Nagpaalala rin ang naturang netizen na sana ay maalala natin ang mga gurong nagsakripisyo ng oras at panahon upang matuto lamang ang mga mag–aaral. Hiling din niya na may makasalubong din siya balang araw at magsasabi sa kaniyang ‘TEACHER NA RIN PO AKO MA’AM’.

“Sana, maalala natin yung mga gurong nagsakripisyo ng oras at gumugol ng panahon para matuto tayo, Sana maalala natin yung mga gurong hindi sumuko sa atin. Sana makuha natin silang ngitian kung makasalubong natin sila sa daan, sana alalahanin natin yung mga minsa’y naging pangalawang magulang natin. Sana, dumating yung panahon na may makapag sabi rin sa aking ‘TEACHER NA RIN PO AKO MA’AM’.

Public Domain Image

Ngayong buwan ng Setyembre ang pagsisimula ng pagdiriwang ng Pambansa at Pandaigdigang Buwan ng mga Guro. Napapanahong alalahanin ang mga gurong tinatawag na “ikalawang magulang” at “panday ng karunungan”.

Source :

Facebook