Tawag ng Tanghalan contestant Shantal Cuizon kay Louie Ocampo: “Composer ka lang!”




Larawan mula sa Tawag ng Tanghalan Facebook page
  • Dahil sa komento sa kanya ng huradong si Louie Ocampo, sinabihan ng isang Tawag ng Tanghalan contestant na si Shantal Cuizon na “composer ka lang”
  • Sinabi ito ni Cuizon sa pamamagitan ng kanyang Twitter account
  • Humingi naman ng paumanhin si Cuizon sa nasabi at dala lamang daw iyon ng pagod sa kompetisyon

Laging mahigpit ang labanan sa singing contest na “Tawang ng Tanghalan” sa noontime show na It’s Showtime. Kabilang sa nagbibigay kulay sa singing showdown ng mga kalahok ay ang ekspertong payo at komento ng mga hurado.

Kamakailan, sa semi-finals ng singing contest, naging mahirap para sa isang contestant na tanggapin ang komento sa kanya ng hurado at composer na si Louie Ocampo. Hindi man siya na-gong, tila hindi nagustuhan ng composer ang performance ni Shantal Cuizon.

Larawan mula sa Tawag ng Tanghalan Facebook page

Dahil dito, naglabas din ng saloobin si Cuizon sa kanyang Twitter account at sinabi sa magkasunod na tweet ang mga salitang “hustisya,” at “composer ka lang.”

Umani ng iba’t ibang reaksiyon ang tweet ng Tawag ng Tanghalan finalist at sinabing mali ang ginawa nito sa tanyag na composer at hurado nilang si Ocampo.

Sa huling araw ng semifinals, dito ay binuksan ng host na si Vice Ganda ang kontrobersyal na pahayag ni Cuizon at nabigyan ng pagkakataong magpaliwanag at humingi ng sorry ang contestant.

Paliwanag ni Cuizon, naghalu-halo lamang daw ang nararamdaman niyang pagod, stress at pressure kaya hindi na siya nakapag-isip nang tama at nakapagsalita ng hindi maganda sa huradong hindi nagustuhan ang kanyang pagtatanghal

“Naghalo-halo lang po yung emosyon ko kahapon, pagod, stress, puyat, pressure sa iba’t ibang tao. Siguro kaya po nasabi ko po iyon. Pero ngayon, humihingi po ako ng sorry po sa nasabi ko po kahapon sa Twitter… Sir Louie Ocampo, sorry po,” naluluhang sabi ni Cuizon on-air.

Larawan mula sa Tawag ng Tanghalan Facebook page

Nagbigay rin ng pahayag ang host na si Vice Ganda na na-offend rin siya sa tweet ni Cuizon dahil sa parinig niya sa kinabibilangan niyang show. Pinayuhan niya rin ang mga contestant na huwag sana nilang maramdamang may pinapanigan ang mga hurado at ang mismong patimpalak.

Dagdag pa ng host, hindi raw ugali ng ABS-CBN ang may panigan sa anumang contest na mayroon sila dahil mahal daw ng istasyon ang mga contestant at ang mga pangarap nila.

Pinaunawa rin ni Vice Ganda kay Cuizon na huwag sabihan ng “composer lang” ang mga manlilikha ng awit dahil kung wala ang mga ito ay walang aawitin ang mga performers sa industriya.

Bandang huli, nabigong manalo si Cuizon at hindi nakapasok sa grand finals ng Tawag ng Tanghalan Season 3.

Source :

YouTube, Facebook