From child actress to school directress: Silipin ang family owned-school ni Camille Prats




Larawan mula sa Instagram account ni Camille Prats at FB page ng Divine Angels Montessori
  • School directress na ang “munting prinsesa” na si Camille Prats
  • Family owned nila ang school sa Cainta, Rizal at katuwang ang kapatid na si John Prats sa pagpapatakbo nito
  • Kumuha pa si Camille ng Montessori course noong siya ay nasa US

Tumatak sa maraming Pilipino ang aktres at host na si Camille Prats dahil sa ilang iconic roles niya bilang child star. Kabilang sa mga ito ay ang comedy shows na “Ang TV” at “Okidokidok.” Ngunit pinakanakilala siya sa role na Sarah sa remake ng animated show na “Sarah: Ang Munting Prinsesa.”

Matapos ang 26 taon, nagpapatuloy si Camille sa showbiz. Ngunit maliban sa kanyang duties bilang aktres at host ng GMA Network, abala rin siya sa pagpapatakbo ng kanilang family-owned school na Divine Angels Montessori of Cainta, Inc. sa may Rizal.

Larawan mula sa Instagram account ni Camille Prats

Katuwang ang kapatid at kapuwa celebrity na si John Prats at iba pang kaanak, itinayo ni Camille ang kanyang eskwelahan noong 2009 bilang isang maliit na pre-school lamang. Nang magdalang-tao sa unang anak na si Nathan, kumuha si Camille ng Montessori course sa US dahil bata lamang daw ay pangarap na niyang magturo at likas ang pagiging mahilig sa bata.

Kaya naman nang makabalik sa Pilipinas, naisip ni Camille na ang itayong negosyo ay mayroon pa ring kinalaman sa mga bata at sa kursong tinapos niya abroad. Itinayo ng “Mars” host ang maliit na pre-school na kinalaunan ay nag-expand sa isang eskwelahang tumatanggap ng mga mag-aaral hanggang Grade 6.

Taong 2014 nang magsimulang tumanggap ng elementary students ang Divine Angels Montessori. Pinasinayaan din nila ang bagong gusali ng paaralan. Noong 2018, halos 300 students ang nag-aaral sa school ni Camille kung saan tumatayo siya bilang founder at school directress.

Nagturo din si Camille sa mga junior pre-school, mga mag-aaral na may edad dalawa, noong bagong bukas pa lamang ang paaralan. Ngayon, hands on pa rin si Camille sa negosyo at tinututukan daw ang pagtanggap ng mga guro upang masiguro na magiging mataas ang kalidad ng edukasyong ibinibigay ng kanilang paaralan.

Larawan mula sa FB Page ng Divine Angels Montessori

Kuwento ni Camille sa isang pahayag sa VIVA TV, bata pa lamang daw ay iminulat na siya ng kanyang mga magulang sa kahalagahan ng edukasyon. Kondisyon nga raw ng kanyang ina na kahit anong puyat at pagod nito sa pag-aartista, ay hindi maaaring lumiban sa eskwela.

Guided naman daw si Camille ng kanyang ama na isa ring negosyante. Tinutulungan daw siya nito, lalo na noong nag-uumpisa pa lamang ang kanilang paaralan.

Sa kasalukuyan ay napapanood pa rin si Camille sa ilang TV show. Sa katunayan, contract star pa rin siya ng GMA Network at may daily morning talk show na “Mars Pa More” kasama si Iya Villania.

Source :

Facebook, YouTube