Sigaw ng mga netizens sa baryang bente pesos: “Di na puwedeng pang-aguinaldo kapag Pasko”




Larawan mula sa News5
  • Viral ngayon ang bagong disenyo ng limang pisong barya at ang panukalang gawing barya din ang bente pesos
  • Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens ang planong ito ng BSP
  • Ipinaliwanag naman ng BSP kung bakit kailangang baguhin ang disenyo ng lima at bente pesos

Usap-usapan ngayon sa social media ang magiging bagong disenyo ng limang pisong barya, maging ang bente pesos na dati ay perang papel na gagawin na ring barya. Isusumite pa lamang daw ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang prototype ng P20 coin kay Pangulong Rodrigo Duterte, pero ngayon pa lamang ay nakataas na ang kilay ng ilang Pinoy sa ideyang ito.

Nang ibahagi ng ilang news sites sa social media ang balitang ito, umulan ng iba’t ibang reaksyon ang planong ito ng BSP. Sabi ng ilang netizens, mas marami daw isyu ang dapat tutukan ng pamahalaan kaysa sa pagpapalit ng bente pesos bilang isang barya.

Larawan mula sa News5

“Ang gusto naming labanan ang climate change, maging maayos ang mga magsasaka, bumaba ang presyo ng bilihin, hind imaging barya ang bente,” sabi ng isang netizen.

Kung ang ilan ay seryoso sa kanilang komento, ang ilan naman ay pinanatili ang pagiging masayahin na tatak na ng mga Pilipino, anumang isyu ang kaharapin.

“Paano na ilalagay sa ang pao ang bente pesos? Di na pwedeng pang-aguinaldo kapag Pasko!” pangamba ng isang netizen na tila nagtitipid sa pakimkim sa mga inaanak.

Ang isa naman ay humugot pa tungkol sa pagpapalit ng bente pesos bilang isang barya. Bente na nga lang daw ang perang papel sa kanyang pitaka, ay gagawin pang barya.

Ipinaliwanag naman ng BSP kung bakit gagawin nang barya ang bente pesos. Mas malaki raw kasi ang gastos nila sa pagpapagawa ng paper bill na tumatagal lamang ng anim na buwan, hindi tulad ng barya na pang mas matagalan.

Larawan mula sa Philnews

Kung inis ang nararamdaman ng netizens sa bente pesos na barya, natutuwa naman ang marami sa nakatakdang bagong disenyo ng limang pisong barya. Gagawin na kasi itong wedged o may mga kanto upang maiwasan na ang pagkalito sa pisong barya.

Umani kasi ng negatibong reaksyon ang pagpapalit ng kulay ng limang pisong barya mula pagiging kulay tanso; pilak na ngayon katulad ng piso. Naging halos magkasing-sukat din sila ng piso kaya marami ang nalilito.