Sharon Cuneta ipinasilip ang bagong hairstyle; lalong bumata sa kanyang short hair, ayon sa kapwa celebrities




Imahe mula sa Instagram | Sharon Cuneta
  • Trending ngayon ang new look ng Megastar na si Sharon Cuneta
  • Short-haired na ang aktres dahil daw damaged na ang kanyang mahabang buhok
  • Bagay naman daw ito sa kanya ayon sa ilang celebrities at lalo raw naging bagets ang look nito

Sunod-sunod ang balita tungkol sa Megastar Sharon Cuneta nitong mga nakaraang araw. Nagkaayos na sila ng dating asawa at ka-loveteam na si Gabby Concepcion sa isang event. Umugong din ang balitang nais nang magretiro ng aktres at singer mula sa showbiz.

Ngunit bago pa iyon mangyari, patuloy pa rin ang pagpapasaya niya sa kanyang mga fans at patuloy na pinauunlad ang sarili para maging maayos sa bawat proyekto niya. Sa kanyang Instagram post nga, makikita ang new look ni Mega na ayon sa mga netizens ay lalong nagpabata sa looks niya.

Larawan mula sa Instagram account ni Sharon Cuneta

Balik short hair si Cuneta matapos ang ilang taon. Ayon sa kanyang IG post, damaged na raw kasi ang kanyang long hair kaya kinailangan  na rin niya itong paputulan. Namiss din raw niya ang mayroong maikling buhok na naging signature look niya nang ilang taon ng kanyang karera.

“It was time for my very stressed-out and almost damaged long hair of many years to rest. So I had a haircut tonight. Chopped it all off! I missed my short hair so much,” sabi ni Cuneta sa post na umani ng halos 70,000 likes.

Napakomento naman ang ilang mga celebrity tungkol sa bagong look ni Cuneta. Sabi ni Angeline Quinto na anak-anakan niya, na-miss niya raw ang role ng Megastar sa pelikulang “Maging Sino Ka Man” dahil ganito ang buhok niya sa nasabing pelikula.

Bagay na bagay raw kay Cuneta ang bago niyang buhok dahil mas nagmukha itong bata, sabi naman ng Asia’s Nightingale Lani Misalucha. Approved din ito sa isa pang short-haired Kapamilya star at reyna ng soap opera na si Judy Ann Santos.

Larawan mula sa Instagram account ni Sharon Cuneta

Samantala, abala ngayon si Cuneta sa pagpo-promote ng kanilang nalalapit na concert ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez. Noong nakaraang taon pa sinasabi ni Cuneta na gagawa sila ng proyekto ni Velasquez.

Ang mga komento nga ni Cuneta sa IG posts ni Velasquez ang nagpalakas ng balitang aalis na siya sa GMA Network. At nang makumpirma ang pag-oober da bakod ni Velasquez, naisakatuparan na nga ang kanilang concert na tinatawag nilang “Iconic.”