Retirement age ng government employees iminungkahing tapyasan ng 5 years




Imahe mula sa Provincial government ng Pangasinan
  • Optional at compulsory retirement age ng mga kawani ng gobyerno iminungkahing bawasan ng limang taon
  • Gagawing 55 ang optional retirement age mula sa dating 60 at gagawing 60 na lang mula sa dating 65 ang compulsory retirement age
  • Ang panukala ay makatutulong na matugunan ang problema sa unemployment sa ating bansa

Iminungkahi ni Senator Sherwin Gatchalian na bawasan ng limang taon ang optional at compulsory retirement age ng mga government workers.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Win Gatchalian

Ang Senate Bill No. 738 na inihain ng mambabatas sa Senado ay naglalayong gawing 55 ang optional retirement age mula sa dating 60 at gawing 60 na lang mula sa dating 65 ang compulsory retirement age para sa lahat ng kawani ng gobyerno.

Paliwanag ng senador, lubos na mapakikinabangan ng mga retirees ang kanilang retirement benefits matapos ang mahabang panahon na ginugol sa serbisyo sa pamahalaan kapag binabaan ang retirement age nila.

Gayon din, kapag maaga ang pagreretiro ay may pagkakataon pang pumasok sa ibang larangan tulad ng pagnenegosyo upang maging financially independent ang mga retirees.

Sinabi pa ni Senator Gatchalian na ang kanyang panukalang batas ay naglalayon din na matugunan ang problema sa unemployment sa ating bansa. Binigyang-diin niya na sa kabila ng naiuulat na economic growth ay nananatiling isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na unemployment rate sa Asya.

“If approved into law, and when the elder set retires early, there will be employment opportunities for more Filipinos, particularly the younger generation who are more adept in new methods and technological advancements, which are now becoming essential in the workplace,” saad ng senador.

Imahe mula sa lokal na pamahalaan ng Pilar, Sorsogon

Kapag naisabatas ang SB 738 ay aamyendahan nito ang section 13(b) at 13-A ng Republic Act No. 8291, o Government Service Insurance Act of 1997.

Ang mga workers na ang edad ay nasa 64-65 ang unang ire-retire  sa first year ng implementasyon kapag naisabatas ang panukala. Ang mga nasa edad na 62-63 ay sa ikalawang taon at sa ikatlong taon ang mga nasa edad 61.