Presyo ng mga bilihin sa 24/7 convenience stores dapat umanong tutukan, ayon kay Senadora Imee Marcos




Public Domain Image
  • Dapat daw tutukan ng DTI ang pagtatakda ng mas mataas na presyo ng mga paninda sa mga 24/7 convenience stores sa bansa, ayon kay Senadora Imee Marcos
  • Hindi raw ito makatarungan lalo na sa mga produktong itinuturing na pangunahing pangangailangan
  • Iminungkahi rin ng senadora ang pagkakaroon ng monitoring team upang masubaybayan ang pagtatakda ng presyo ng mga convenience stores

Iminungkahi ni Senador Imee Marcos na suriin at tutukan ng Department of Trade and Industry o DTI ang mataas na presyo ng mga produktong itinitinda sa ilang mga 24/7 convenience stores sa bansa.

Ayon sa senadora, mistulang sinasamantala ng ilang mga convenience store at 24/7 outlets ang pangangailangan ng mga mamimili sa mga “instant” na bagay sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mataas na presyo ng kanilang paninda sa Metro Manila, gayundin sa mga karatig–probinsya.

Public Domain Image

Hindi raw makatao at makatarungan ang pagpapatong ng mas mataas na presyo sa mga ito na labis sa suggested retail prices o SRP lalo na sa mga produktong itinuturing na pangunahing pangangailangan tulad ng kape, asukal, gatas, noodles, canned goods, sabon at marami pang iba. Tanong tuloy ni Marcos: Ano iyan, ginto?

Aniya, dapat magtalaga ang DTI ng monitoring teams upang mabantayan at masubaybayan ang mga convenience stores na ito upang masawata at mahinto ang pagtitinda nila sa mataas na presyo.

Nangangamba ang senadora na hangga’t hindi ito natutugunan ng DTI ay baka patuloy pang taasan ng mga negosyong ito ang kanilang presyo lalo na’t papalapit na ang kapaskuhan.

Sinabi rin niyang hindi katuwiran na dahil sa bukas ng 24-oras at gumagamit ng aircon ang isang convenience store ay may kalayaan na silang makapagtaas at makapagtakda ng kanilang presyong gugustuhin.

Public Domain Image

“Kung epektibo ang SRP dapat ay ipatupad ito sa mga convenience store. Pero higit na mabuti kung mapapababa ng DTI ang presyo ng mga ipinagbibili nilang produkto,” pahayag ni Marcos.

Sa Pilipinas, ang dalawa sa mga pinakasikat na convenience stores ay ang 7–11 at Mini Stop.