Pinoy, likas sa ugali ang hirap sa pagtanggi




Imahe mula sa Pixabay
  • Isang ugaling tatak Pinoy ang pagiging hospitable o pagpapaunlak sa mga pakiusap ng kapwa
  • Ang pagsasabi ng “oo” at “hindi” ay dapat laging nasa lugar
  • Maganda man ang hangarin ng hindi pagtanggi, dapat ring isaalang-alang ang sarili

Isa sa mga magagandang katangian ng mga Pilipino ay ang pagiging magiliw sa kapwa, kung kaya naman madalas nating paunlakan ang kahilingan o pakiusap ng ibang tao sa atin. Subalit, ano nga ba ang iba pang dahilan bakit mahirap tumanggi ang mga Pinoy?

Imahe mula sa Freepik

Ilan sa mga madalas na eksena sa ating pang-araw-araw na buhay ay kapag may kamag-anak, kaibigan, o kahit sinong kakilala ang humihingi sa atin ng pabor. Simple man ang pabor o hindi, naroon ang kagustuhan nating makatulong o ‘di kaya ay nahihiya talaga tayong tumanggi.

Ayon sa panayam ng DZMM TeleRadyo kay JB Borromeo na isang corporate trainer at professor mula sa De La Salle University, kaya madalas um-oo ang isang Pinoy ay dahil ayaw nating masaktan o magtampo ang taong humihingi ng request o imbitasyon.

Isa pang maaaring dahilan kung bakit hirap tumanggi ang karamihan sa atin ay ang epekto ng pagpapalaki ng mga magulang kung saan bata pa lamang ay natuturuan at tumatatak na sa isipan ang kaugaliang ito.

“Subconsciously, na-program sa atin na iyong ‘no’ na masakit, kapag nakaka-receive tayo ng ‘no’ sa ating parents nalulungkot tayo. So, eventually ayaw nating gawin iyon sa ibang tao,” dagdag ni Borromeo.

Nagiging dahilan din ng hindi pagtanggi ang “peer pressure.” Ang hindi maganda rito ay kahit na labag sa loob mo ang isang bagay, wala kang magawa kundi sundin o gawin ito dahil nababahala ka sa iyong mga kaibigan o kamag-anak na iwan ka nila at maaari pang pag-ugatan ng alitan o tampuhan.

Imahe mula sa Freepik

May maganda mang hangarin o dahilan kung bakit nahihirapan tayong tumanggi sa iba, dapat pa rin nating pag-isipan at timbangin nang maigi bago tayo magsabi ng “oo” sa kanilang mga request. Walang masama sa pagtanggi kung maipaliliwanag mo nang maayos ang iyong dahilan upang ikaw ay kanila ring maiintindihan.

Kung gaano kalaki ang malasakit natin sa ating mga kapwa, dapat rin nating bigyan ng katumbas na malasakit ang ating mga sarili.

Imahe mula sa Freepik