Pinoy favorite na ulam at pulutang “crispy pata,” paano nga ba naimbento?




Larawan mula sa Facebook page ng Barrio Fiesta
  • Nagiging espesyal ang mga handaan at okasyon sa bansa kapag mayroong crispy pata
  • Natuklasan pala ang recipe nito ng isang dating aktor at tiyuhin ng artista ring si Heart Evangelista
  • Tinatapon lang daw noon ang mga pata na naisipang iluto ng aktor na naging patok naman sa mga Pilipino

Kung mayroong espesyal na okasyon, isa sa mga bumibidang Pinoy dish ay ang “crispy pata.” Ang lutong at linamnam nito ang siyang hinahanap-hanap ng mga Pilipino, kasabay ang pagsawsaw sa espesyal na suka. Sabi nga nila, kumpleto na ang saya kapag may crispy pata.

Ngunit kahit paborito ito ng maraming Pilipino, lingid naman sa kaalaman ng marami kung paano nga natuklasan ang crispy pata. Kahit espesyal na handa itong itinuturing, ang naging dahilan naman para mailuto ang unang crispy pata ay dahil inaayawan ng mga Pinoy ang parteng pata ng baboy noon.

Larawan mula sa Facebook page ng Barrio Fiesta

Nakapanayam ng GMA News TV show na Pinas Sarap si Happy Ongpauco-Tiu, ang anak ng unang nagluto ng crispy pata sa Pilipinas na si Rodolfo Ongpauco. Ayon kay Happy, 1958 daw noon nang kanyang ama ay napadaan sa La Loma, Quezon City na sikat sa pagtitinda ng lechon at mapansing walang bumibili ng bahaging pata ng lechon.

Naisipan daw ng noon ay 14 anyos na si Rodolfo na bilhin ang mga pata sa halagang dose pesos at lutuin sa bahay. Tinimplahan daw ni Rodolfo ang pata ng iba’t ibang sangkap, pinakuluan, at ipinrito. Ang unang nakatikim daw ng crispy pata ay ang mga barkada ni Rodolfo na madalas niyang ilibre sa kanilang kainan.

Nagagalit na raw kasi ang nanay nito dahil laging libre ang barkada sa kanilang negosyo; kaya naisipan ni Rodolfo na ipatikim na lang ang kanyang pritong pata recipe na pumatok naman sa buong tropa. Dahil daw sa magandang feedback sa kanyang niluto, isinama na rin ito sa recipe ng kanilang kainan.

Larawan mula sa Facebook page ng Barrio Fiesta

Ilang taon ang lumipas, naging tanyag ang kanilang restaurant na “Barrio Fiesta,” kasabay ng pagsikat din ng paborito nating crispy pata. Dahil patok, maraming kainan na rin ang gumaya hanggang sa maging sa mga tahanan ay iniluluto na rin ito.

Tiyuhin ng aktres na si Heart Evangelista si Rodolfo na isa ring matinee idol noong kabataan nito. Kilala raw ito sa screen name na Rod Evans. Iniwan nito ang pag-arte at nag-focus sa kanilang food business na naging institusyong kainan na sa bansa.

Sa kasalukuyan, si Happy ang namamahala sa kanilang food business na tahanan ng ating paboritong crispy pata.

Source :

YouTube, Inquirer