Pinay singer Jessica Reynoso, additional at hindi replacement ni Fergie bilang member ng Black Eyed Peas




Larawan mula sa Instagram account ni Jessica Rey at Fergie
  • Kasama sa tour ng Black Eyed Peas (BEP) at sa bagong single ang Pinay singer na si Jessica Reynoso
  • Hindi raw niya papalitan si Fergie, bagkus siya ay additional female vocalist ng BEP ayon kay Apl de Ap
  • Nakatakda ring magtanghal ang BEP sa closing ceremonies ng SEA Games 2019 sa Pilipinas

Pumatok sa buong mundo ang awitin ng grupong Black Eyed Peas (BEP). Ngunit iba ang naging pagtanggap ng mga Pilipino sa music group dahil sa Pinoy member nilang si Apl De Ap. Tubong Pampanga si Apl na pinalad na madala sa America ng kumupkop sa kanya at doon nagsimulang abutin ang pangarap na maging singer.

Ilang taon ang lumipas, aktibo pa rin ang grupo kahit may kanya-kanyang proyekto ang mga miyembro na sina Will.I.Am, Taboo, at Fergie. At mas pinalakas pa ang Grammy award-winning group dahil noong 2018, isang bagong mukha ang spotted sa tour ng grupo.

Imbes na si Fergie, kasama sa tour ng Black Eyed Peas ang Pinay singer at The Voice of the Philippines alumna na si Jessica Reynoso o mas kilala bilang Jessica Rey. Naging bahagi si Jessica ng Team Apl sa nasabing kompetisyon na naging pasaporte niya upang ma-discover ng kanyang coach.

Larawan mula sa Instagram account ni Jessica Rey

Naglabas din ng isang single ang BEP nang wala ang original female vocal lead na si Fergie noong 2018. Nagkaroon din ng concert tour ang grupo nang wala si Fergie at sa halip ay si Jessica ang kasama. Tanong tuloy ng BEP fans, umalis na ba talaga si Fergie sa BEP?

Sinagot ni Apl ang isyu na ito sa isang interview sa Pilipinas. Ayon sa Pinoy rapper, wala raw dapat palitan sa BEP dahil si Jessica ay additional sa grupo. Mapapanood sa interview ng reporter na si MJ Marfori na intact pa rin daw ang BEP at nataon lang na busy ang ilang members, partikular si Fergie.

“No one is replacing anybody… It’s just… She’s an addition to the Black Eyed Peas family,” direktang sagot ni Apl.

Dahil daw sa madalas nang pagsama ni Jessica sa kanilang tours, nakakasabay naman daw ang Pinay singer at patuloy ang pag-improve bilang isang international performer.

Larawan mula sa Instagram account ni Jessica Rey

“She’s amazing… She can keep up… She’s really developing as an artist, as a world class,” pagmamalaki ni Apl sa performance ng kapuwa Pinoy.

Bata pa lamang ay laman na si Jessica ng mga singing contest sa bansa. Bago maging The Voice contestant, unang sumali si Jessica sa Popstar Kids ng QTV 11 kung saan naging grand finalist siya.

Malapit na ring maranasan ng mga Pinoy ang mas pinalakas na BEP dahil nakatakdang magtanghal ang grupo sa closing ceremony ng South East Asian (SEA) Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre hanggang Disyembre.

Pagmamalaki pa ni Apl, ginawan pa raw ng paraan ng ilang BEP members ang kanilang schedules para siguruhing makapagtatanghal  sa huling araw ng sporting event.

Nakatakda raw nilang kantahin ang kanilang mga hit song tulad ng “I Got A Feeling,” “Where is the Love,” at “The Time.”