Pilipinas, isa sa pinaka-literate na bansa sa Southeast Asia ayon sa United Nations




Larawan mula sa Philippine Information Agency
  • Isa raw ang Pilipinas sa may pinakamataas na literacy rate sa Southeast Asia ayon sa United Nations
  • Patuloy na tumataas ang literacy rate ng bansa taon-taon
  • Gayunman, marami pa ring isyu na dapat ayusin sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas

Sa kabila ng iba’t ibang isyung kinakaharap ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, nananatiling maganda ang estado ng edukasyon sa bansa, ayon sa pinakabagong pag-aaral ng United Nations (UN). Lumabas sa bagong report ng UN na isa ang Pilipinas sa mga bansang mayroong pinakamataas na literacy rate sa buong Southeast Asia.

Ayon sa ulat, mayroong 97.95 literacy rate ang bansa mula sa mga Pilipinong may edad 15-24. Mas mataas naman ang literacy rate ng mga kababaihan na naitala sa 98.9 percent habang 97 percent naman sa mga kalalakihan.

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Patuloy umanong tumataas ang literacy rate ng Pilipinas sa pagdaan ng mga taon. Gayunman, ayon sa ating pamahalaan, marami pa ring mga kabataan ang nagkakaroon ng suliranin sa pagsulat at pagbasa. Kahit maliit na porsiyento lamang umano ito kumpara sa mga nakababasa, isa pa rin daw itong mahalagang isyu na dapat tutukan.

Upang mas mapayaman pa ang kakayahan ng mga Pilipino sa pagsulat at pagbasa, ilulunsad ng World Vision Development Foundation kasama ang Department of Education (DepEd) ang “Brigada Pagbasa.” Layunin ng proyektong iparating sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagbabasa.

Sa darating na Nobyembre, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Reading Month, uumpisahan na ng World Vision at DepEd ang Brigada Pagbasa na iikot sa buong bansa at inaasahang makapagbibigay ng inspirasyon sa mga kabataan na patuloy na magbasa para sa mas magandang kinabukasan.

Gayunman, maliban sa paglulunsad ng Brigada Pagbasa, mas maraming proytekto pa raw ang dapat tutukan ng DepEd upang masigurong may access sa magandang edukasyon ang bawat batang Pilipino. Isa sa mga ito ay ang dumaraming bilang ng mga out-of-school youth.

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Kahit na nakababasa at nakasusulat na raw ang mga ito, hirap pa rin silang makahanap ng disenteng trabaho dahil hindi sapat ang kanilang nalalaman. Sa estatistikang inilabasa ng Philippines Statistics Authority (PSA), nasa 3.6 milyong kabataan ang hindi nakapag-aaral noong 2017.

Dapat din umanong tutukan ang ilan pang isyu sa mga paaralan tulad ng kakulangan sa silid-aralan at mga guro. Nagdudulot daw ito ng siksikan sa mga klasrum na nakadaragdag sa pahirap sa pagkatuto ng mga mag-aaral.