Pilipinas, ika-24 sa mundo bilang bansang magandang manirahan at magtrabaho; Switzerland, itinanghal na number 1




Larawan mula sa Pexels at PNA
  • Rank 24 ang Pilipinas sa ideal na bansa para mabuhay at magtrabaho, ayon sa isang international survey 
  • Natalo ng Pilipinas ang ilang mauunlad na bansa tulad ng China, Saudi Arabia, at United Kingdom
  • Switzerland naman ang nanguna sa survey at natalo ang five-year rank 1 na Singapore

Kung mayroong Manny Pacquiao na champion boxer at Catriona Gray na reigning Miss Universe ang Pilipinas, mayroong bagong ipagmamalaki ang mga Pilipino dahil kamakailan lamang, lumabas sa survey ng isang international financial company at investment bank na isa ang Pilipinas sa mga bansang magandang tirhan at magtrabaho.

Nakuha ng Pilipinas ang ika-24 na puwesto sa isinagawang HSBC Expat’s survey 2019 na taon-taong ginagawa upang ipaalam sa iba’t ibang investors at negosyante ang kalagayan ng isang bansa pagdating sa pamumuhay at paghahanapbuhay ng mga taong naninirahan dito.

Larawan mula sa Pexels at PNA

Umangat ng apat na puwesto ang Pilipinas kompara sa resulta ng survey noong 2018. Ayon sa inilabas na ulat ng Forbes, ang pag-angat na ito ng Pilipinas sa ranking ay indikasyon na kahit mayroong kinasasangkutang isyu ang Pilipinas, kabilang ang kontrobersyal na pagpuksa sa ipinagbabawal na gamot, ay pinagkakatiwalaan pa rin ng mga Pilipino ang sistema at ekonomiya ng bansa.

Dahil din daw sa magandang lokasyon at klima sa Pilipinas, maraming naaakit na investors na magbukas ng mga negosyo, kabilang ang may kinalaman sa turismo. Patuloy din daw ang paglago ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas. Tumabo ito sa 3,063 US dollars noong 2018.

Kahanay din ng Pilipinas sa nasabing survey ang mauunlad at makakapangyarihang bansa tulad ng United States na nasa ika-23 puwesto, Thailand na nasa ika-22, at Mexico na nasa 21st spot.

Tinalo naman ng Pilipinas sa survey ang mga bansang China na nasa ika-26, United Kingdom na rank 27, Italy na nasa ika-28 puwesto, at Saudi Arabia na nasa ika-29 kung saan maraming Pilipino ang nagtatrabaho.

Larawan mula sa Pexels

Natalo naman ang Singapore matapos ang limang taong pamamayagpag sa HSBC Expat’s Survey. Switzerland na ang may hawak ng unang puwesto na umangat mula sa pagiging rank 8 noong 2018 survey. Nasa ikalawang puwesto naman na ang Singapore habang wala namang paggalaw sa ranking ng Canada sa ikatlong puwesto, Spain sa ikaapat, at New Zealand sa ikalima.

Ayon sa mga ekonomista, nakikitang patuloy na tataas ang GDP ng Pilipinas sa mga susunod na taon at maaaring umabot sa halos 3,300 US dollars na pinakamataas sa mga nagdaang dekada.

Source :

Forbes, HSBC