Para kay Bro: Simbahan sa ‘May Bukas Pa’, nakadisenyo sa barong ni ‘Santino’




Images via ABS-CBN | YouTube/Twitter
  • Malapit sa puso ng dating child star na si Zaijan Jaranilla ang disenyo ng barong niya sa ABS-CBN Ball
  • Makikita sa barong ang imahe ng simbahan kung saan naroon ang “Bro” ni Santino
  • Matatandaang nakilala si Zaijan bilang Santino sa 2009 television series na “May Bukas Pa”

Ikunatuwa ng mga fan ng hit 2009 television series na “May Bukas Pa” ang disenyo ng barong na isinuot ni Zaijan Jaranilla sa ginanap na ABS-CBN Ball.

Image capture from ABS-CBN Entertainment’s YouTube video

Tampok kasi sa kanyang handpainted piña cocoon coat barong ang imahe ng San Guillermo Parish Church; ang simbahan na tinitirhan ni Santino — na ginampanang karakter ng noon ay child wonder na si Zaijan — at kinaroroonan din ni “Bro” (Panginoong Diyos).

Matatandaang naging sobrang popular ang teleserye at umabot sa punto na ito ang naging inspirasyon ng Christmas 2009 campaign ng ABS-CBN na “Bro, Ikaw ang Star ng Pasko”. Nagbenta rin noon ng mga “Parol ni Bro” — sapagkat ang parol ay sumisimbolo rin sa pag-asa — at ang nalikom ay inilaan sa “BayaniJuan” and “Sagip Kapamilya” ng ABS-CBN Foundation Inc.

Sa sobrang pagmamahal din ng tao sa nasabing television series, ginawang 20 weeks ang palabas na dapat sana ay walong linggo lamang eere. Maraming artista rin ang nag-guest sa mga chapter nito.

Nakaramdam ng nostalgia ang mga fans ng “May Bukas Pa”, habang ang ilan ay nagulat na binatang-binata na pala si Zaijan. Marami rin ang naantig sa ginawang pag-alaala ni Zaijan kay “Bro”.

Image capture via Twitter

Noong 2018, binalikan ni Zaijan ang San Guillermo Parish Church, kung saan madalas na nagdarasal sa teleseryeng “May Bukas Pa” ang karakter na ginampanan niya simula 2009 hanggang 2010.