Pang-Marvel ang kapogian: Mayor Isko, gumanap bilang Doctor Strange sa birthday party ng bunsong anak




Imahe mula sa Facebook account ni Louie Kalagayan
  • Nagpakatatay si Mayor Isko Moreno sa pagdiriwang ng ika-pitong kaarawan ng kaniyang bunsong anak
  • Sa loob ng isang araw, siya ay naging si Doctor Strange para pasayahin ang kaniyang pamilya
  • The Avengers ng Marvel Comics ang tema ng kaarawan

Kahit abala si Manila City Mayor Isko Moreno sa pagiging “Ama ng Maynila,” hindi niya isinasantabi ang kaniyang mga tungkulin bilang ama sa kaniyang mga anak.

Imahe mula sa Facebook account ni Louie Kalagayan

Nito lamang Setyembre 8, ipinagdiwang ng pamilya Moreno at ng malalapit na kaibigan ang ika-7th birthday ng bunsong anak na si Drake Marcus. Sunod sa uso ang theme ng birthday party ni Drake kung saan ginaya ng pamilya ang mga tauhan sa The Avengers ng Marvel Comics.

Siyempre, naka-cosplay costume ang pamilya Moreno kung saan nag-ala Doctor Strange si Mayor Isko. In fairness, hindi siya nagpapahuli sa kakisigan ni Benedict Cumberbatch. Suot ni Mayor Isko ang asul na wardrobe at nakamarka sa kaniyang mukha ang iconic na bigote at balbas ni Doctor Strange.

Ang misis na si Diana Lynn ay hindi rin nagpakabog. Suot niya ang iconic costume ni Captain Marvel. Bagay na bagay sa kaniyang strong image ang kaniyang piniling karakter.

Ang kanilang mga anak na si Frances Diane at Joaquin Andre ay naka-costume bilang Black Widow at Captain America. Siyempre, ang birthday boy naman ay cute na cute sa kaniyang Iron Man costume.

Sa mga larawan na ipinaskil ni Louie Kalagayan sa Facebook, makikita rin ang iba pang kapamilya o bisita na naka-suot ng mga costume nina Thor, Scarlet Witch, Nebula, Ant-Man, Black Panther, Groot, at Thanos.

Ang Doctor Strange costume ni Mayor Isko ay gawa ni Luistor Ocampo.

Napatunayan ni Mayor Isko na mahalaga ang paglalaan ng oras sa pamilya kahit gaano kaabala ang isang lingkod-bayan sa mundo ng politika.