Pagganap na ‘Padre Salvi’ ng aktor na si Mon Confiado sa pelikulang “Damaso”, inaabangan na ng marami




Imahe mula sa Facebook account ni Mon Confiado
  • Gaganap na Padre Salvi ang aktor na si Mon Confiado sa musical film na “Damaso”
  • Hango ito sa nobelang Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal
  • Marami nang nananabik na mapanood ang pelikulang ito

Isa sa mga mahuhusay na aktor sa industriya ng Philippine showbiz ang aktor sa tanghalan, telebisyon at pelikula na si Mon Confiado. Lahat ng mga gampanin o role na naibibigay sa kanya ay talaga namang binibigyan niya ng hustisya, mula sa pisikal na aspeto hanggang sa tamang hugot ng damdamin sa bawat pagbitiw ng kanyang mga diyalogo.

Imahe mula sa Facebook account ni Mon Confiado

Kaya naman, kinapapanabikan ng mga tagahanga at tagasubaybay ni Mon ang pagganap niya bilang ‘Padre Salvi’ sa musical film na “Damaso” na hango mula sa tanyag na nobelang “Noli Me Tangere” ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na naisulat pa sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa bansa.

Matatandaang lalong nakilala si Mon dahil sa kanyang markadong pagganap bilang “Presidente Emilio Aguinaldo” sa pelikulang “Heneral Luna” na pinagbidahan ni John Arcilla.

Si Padre Bernardo Salvi ay inilarawan bilang payat at masasakiting prayleng nagkagusto kay Maria Clara na siyang kasintahan naman ni Juan Crisostomo Ibarra, protagonista ng nobela. Si Maria Clara ay anak ni Padre Damaso kay Pia Alba, na asawa naman ni Kapitan Tiago na naging ama–amahan ng dalaga.

Pinag–usapan sa mismong Facebook account ni Mon ang kanyang larawan bilang Padre Salvi na talaga namang bagay — batay sa pagkakalarawan sa akda. Nagbigay ng komento rito ang mga netizens.

Imahe mula sa Facebook account ni Mon Confiado

“Nabasa ko lang sadyang nagpapayat daw po siya dahil kasama sa role.”

“I’m sure Mon will give the role justice, he is one of the best. That was the image I have in mind of Padre Salvi , payat at mas okay kung medyo lalalim pa ng konti ang pisngi. Good luck sa cast.”

“Grabe ang love nito sa craft niya. To shed so much weight to fit a role. Hats off to Mon Confiado.”

“Favorite ko talaga itong si Mon Confiado. Ang galing talaga.”

Gaganap namang Padre Damaso ang komedyanteng si Arnell Ignacio na nagtanggal pa ng peluka para lamang bumagay sa kanya ang role.

Ang pelikulang ito ay nasa direksyon ni Joven Tan at balak na maisali sa Metro Manila Film Festival ngayong 2019.