Nanay sa anak niyang nakakuha ng mababang marka: “Meron akong intelligently different na anak”




Larawan mula sa Facebook page ni Jheezel Orbina Panga
  • Ibinahagi ng isang nanay sa kanyang Facebook account ang napagtanto niya nang mapagalitan ang anak dahil sa mababang grades
  • Kahit naman daw hindi ito makasabay sa eskwela, talino pa ring maituturing ang pagmamahal nito sa kapuwa at pagiging mabuting bata
  • Nag-iwan din siya ng payo sa mga magulang na tulad niya ay suliranin din ang marka ng mga anak sa paaralan

Normal lang para sa mga magulang na maghangad ng matataas na marka para sa ating mga anak. Kaya naman marami sa mga nanay at tatay ang naglalaan ng panahon para turuan ang kanilang mga anak at maging kaisa sa mga gawain sa eskwela.

Kaya naman nang makakuha ng mababang marka ang anak ng netizen na si Jheezel Orbina Panga, inamin niyang hindi siya natuwa lalo na’t nasa unang baitang pa lamang ang kanyang anak. Napagalitan niya raw ito at naiyak rin daw ito nang masermunan niya.

Nakonsensya naman daw si Jheezel sa nagawa sa anak ngunit para naman daw ito sa ikabubuti niya. Gayunman, napag-isip din daw ng nanay na ito na kahit hirap sa mga asignatura sa paaralan ang anak niya, may kakaibang talino pa rin ang anak na dapat niyang ipagmalaki.

Larawan mula sa Facebook page ni Jheezel Orbina Panga

Trending ngayon sa social media ang post ni Jheezel tungkol sa anak niyang hindi man kayang makakuha ng matataas na marka sa school ay hindi naman daw pahuhuli sa pakikipagkapuwa tao at pagmamahal sa kanyang kapuwa.

Sabi ni Jheezel, madalas daw ay iniisip ng anak niya ang iba kaysa sa sarili niya na kahanga-hanga sa mura nitong edad. Nagbigay ng ilang pangyayari ang nanay kung saan nagpakita ng kakaibang talino ang anak.

“Mama, birthday ng classmate ko bukas. Pabaunan mo ko kanin tapos dalawang itlog. Bibigyan ko siya para surprise,” isang halimbawa ni Jheezel sa kabutihang-loob ng anak.

“Mama, alam mo yung classmate ko kawawa kasi wala siyang baon. Eh di ba may baon akong biscuit tapos may 20 pa ako. Binigyan ko siya ng 5 para makabili siya ng soup,” dagdag ni Jheezel.

May pagkakataon pa raw na dahil masakit ang kamay ng kaklase ng kanyang anak ay isinulat niya pa ito ng kanilang aralin. Mataas din daw ang pangarap nito at gustong ibili ng kotse ang nanay niya dahil hirap na raw si Jheezel sa paghatid-sundo sa kanilang magkapatid.

Larawan mula sa Pexels

Naantig daw ang puso ni Jheezel nang minsang sabihin ng anak niya na ipinagdarasal daw nito lagi na tumalino na siya at makakuha ng matataas na grades.

Dito na raw humingi ng pasensya si Jheezel sa anak at sinabing maliban sa mataas na grades, mahalaga ang lumaking may galang at pagmamahal sa kapuwa na nakikita niya sa anak.

Pinayuhan din niya ang mga kapuwa magulang na hindi naman talaga batayan ang grades upang masukat ang totoong kakayahan ng isang bata. Huwag din daw mag-expect nang malaki sa mga anak at ikompara ang marka mo dito noong ikaw ay nag-aaral pa.