Nanay, ikinuwento ang pag-o-online shopping ng 5-anyos na anak nang ‘di niya alam, higit sa P5k ang nabili




Larawan mula sa Facebook account ni Cassandra Nichole Alegre
  • Ibinahagi ng isang nanay kung paanong nag-online shopping ang kanyang 5-anyos na anak nang ‘di niya alam
  • Nakapag-place ito ng order na nagkakahalagang higit 5,000 at mayroon pang ilang items sa cart 
  • Tinawag naman ng netizen ang bata na si Shopee kid at tuwang-tuwa naman daw ang bata dahil trending siya

Mas madali nang mamili ng mga bagay-bagay ngayon dahil sa mga online shopping applications. Mula sa gadgets, make up, appliances, damit, at maging pagkain; mabibili na ‘yan sa pamamagitan lamang ng ilang click.

Ngunit ang convenience na sana ay dala ng isang mobile shopping app ay naging problema para sa isang nanay na napabayaan ang kanyang cellphone. Binuksan ng anak niya ang shopping app at doon ay ‘di sinasadyang umorder ng ilang produkto na umabot sa higit P5,000.

Larawan mula sa Facebook account ni Cassandra Nichole Alegre

Hindi malaman ng netizen na si Cassandra Nichole Alegre ang kanyang mararamdaman nang buksan niya ang Shopee application niya at nakitang umorder ang anak na si Yves, 5 anyos, ng tatlong soft bullet gun series na nagkakahalagang P126 ang isa, at anim na air ultra air cooler na nagkakahalaga ng 750 ang isa.

Makikita sa viral na ngayong Facebook post ni Alegre ang order details mula sa application. Ang masakit, placed na ang order at ide-deliver na at hindi na puwedeng i-cancel pa. Umabot sa P5228 ang bayarin ngayon ng nanay na makukurot daw ang kanyang anak.

“At tumigil ang mundo ko nang buksan ang Shopee account ng anak kong 5 years old. Di na pati ma-cancel at OTW na ang para-deliver… Ay talaga, nanggigigil ako,” post ni Alegre sa Facebook na umabot na sa 16,000 reactions, 4,900 comments, at 11,000 shares habang isinusulat ang balitang ito.

Nagsilbi namang babala para sa mga magulang ang naging karanasan ni Alegre lalo na at ginagawang libangan na rin ng mga bata ngayon ang mga gadgets tulad ng cellphone. Dahil hindi pa lubos na nauunawaan ang lahat ng applications sa cellphone, maaari din nilang gawin ang ginawa ni Yves at baka mas mahal pa ang ma-order ng ilang bata.

Sa comments section, kanya-kanyang tag ang mga netizens sa kanilang mga kaibigan at minamahal na mayroong mga supling na gumagamit ng kanilang cellphone.

Larawan mula sa Facebook account ni Cassandra Nichole Alegre

May ilan namang tawang-tawa sa karanasang ito ni Alegre, habang ang iba ay naman ay naranasan na rin ang kaparehong pangyayari.

Nagbigay din ng update si Alegre sa kanyang Facebook account. Nakita niyang napakarami pang nasa cart ng kanyang Shopee account na gawa ni Yves. Ilan sa nasa cart ay isang android phone na may halagang 15,000, accessories ng sasakyan, at maging mga action figure. Mabuti na lamang at hindi pa ito tuluyang na-order ng bata.

Tinagurian ng netizen ang anak ni Alegre na si Yves bilang “Shopee kid.” Ipinakita naman ng ina ang larawan ng anak na nagpapasalamat daw dahil trending siya.