Na-charot ang TF? Ethel Booba, ibinulgar na may ilang TV guestings siyang ‘di pa bayad hanggang ngayon




Image via Instagram | Ethel Booba
  • Usap-usapan ngayon ang latest Tweet ni Ethel Booba tungkol sa delayed payments sa TV guestings niya
  • Inaabot na raw ng isang taon pero wala pa rin ang bayad sa kanya ng ilang programang nilabasan sa TV
  • Pinangalanan niya ang ilang shows na ‘di pa naiaabot ang TF niya bilang pagkasa sa hamon ng ilang netizens

Madalas mag-trending ang komedyanteng si Ethel Booba dahil sa matatalino niyang pahayag tungkol sa mga isyung politikal. Karaniwang sa kanyang Twitter account niya ibinabahagi ang kanyang mga opinyon na aprub naman sa maraming netizens.

Ngunit kamakailan lamang, hindi sa isyung politikal nag-trending ang sunod-sunod na tweets ng komedyante. Tungkol ang mga ito sa rason kung bakit minsan ay ayaw na raw niyang mag-guest sa telebisyon. Paglalahad ni Ethel, may ilang TV guestings daw siya na taon na ang inabot ngunit hindi pa rin siya nababayaran.

“Kaya nakakatamad na mag-guest sa TV show kasi merong iba dyan mag-almost 1 year na di pa ma-claim ang TF. Sunod meron ding more than 5 months na ata. Sa Skype na lang talaga ako magshow,” biro ngunit malamang pahayag ng performer sa Twitter.

Larawan mula sa YouTube

Tulad ng inaasahan, naging trending topic ito sa Twitter at inulan si Ethel ng follow-up questions para mas mabigyan pa ng linaw ang isyung binuksan niya ngayon sa madla.

May humamon kay Ethel na magbanggit ng mga nasabing shows na hindi pa nakababayad sa kanya gayong nai-ere na ang kanyang mga paglabas. Matapang namang sumagot si Ethel at pinangalanan ang mga programa.

“Minute to Win It. Ilang minutes ako nag-antay sa bangko wala pa din pala eh mag-1 year na. Charot,” sabi ni Ethel na isa ring author ng aklat ngayon.

Nakarating naman sa host ng Kapamilya game show na si Luis Manzano ang reklamo ni Ethel at sinagot ito sa Twitter na ipapa-check daw niya ang tungkol sa bayad nito na agad namang pinasalamatan ng komedyana.

Binulgar din ni Ethel na maging ang show ng kaibigang si Vice Ganda na Gandang Gabi Vice (GGV) ay hindi pa rin nagbabayad ng guesting niya. Nanghinayang naman ang ilang netizens dahil madalas ay trending ang guesting ni Ethel sa nasabing talk show ni Vice.

“Actually may guesting pa ako sa GGV na ‘di pa nagbibigay ng TF until now, charot!” sagot ni Ethel sa isang netizen.

Larawan mula sa YouTube

Nilinaw din ni Ethel na hindi lamang ABS-CBN shows ang hindi nagbabayad. Ipinaliwanag niya ito sa sagot niya sa isang Twitter user na sinabing matapos ipagtanggol ang Kapamilya network noon sa mga paratang tungkol dito, ay sisiraan niya ito ngayon dahil sa talent fee at pera lang daw ang habol niya sa network.

“Show lang nila ang tinutukoy ko na delay sa bayad. Di ko naman sinabing entire netwok. Even ibang network naman may show sila na may problem minsan sa pag-issue ng payment, charot!” sagot ng dating Kapuso host.

Ayon sa obserbasyon ng isa: “Ethel is brave enough to speak for herself and demand her TF. Ilan pa kayang talents ang hindi nababayaran at hindi lang nagsasalita?”

May ilan namang nagpaparatang kay Ethel na papansin na lamang ito dahil wala na raw raket at naghihirap na. Pero giit niya, kabibili niya lang daw ng properties sa Boracay at bagong kotse kaya malabo raw na wala na siyang pera.