Mobile application, ibinebenta ang bigas mula sa local farmers; buong kita, napupunta sa magsasaka




Larawan mula sa Facebook account ni Ilizah Sian at Session Groceries
  • Patuloy ang paglaganap ng mga proyektong tumutulong sa mga local rice farmers
  • Kabilang sa mga ito ang mobile application na Session Groceries na ibinebenta nang direkta ang bigas mula sa mga magsasaka
  • Mas malaki ang kita rito ng mga rice farmers dahil halos lahat ng benta ay mapupunta sa kanila

Naging malaking balita nitong mga nakaraang araw ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga magsasaka sa Pilipinas. Dahil sa ipinasang rice tariffication law, bagsak-presyo nang ibinebenta ng mga rice farmers ang kanilang palay na umabot pa sa lima hanggang pitong piso.

Dahil dito, lumaganap ang panawagan upang tulungan ang mga magsasaka para hindi tuluyang malugi ang mga ito. Isa sa mga tumugon ay ang isang mobile application kung saan direkta nilang ibebenta ang bigas mula sa mga magsasaka, at halos buong kita ay mapupunta sa kanila.

Larawan mula sa Facebook account ni Ilizah Sian

Viral ngayon sa social media ang post ni Ilizah Sian sa Facebook kung saan ipinagmamalaki niya ang mobile application na Session Groceries na direktang nagbebenta ng bigas mula sa mga magsasaka mula sa Mindoro.

Makikita sa post ni Sian ang screenshot ng post ng kapuwa netizen na si Jag Garcia na nagbibigay ng detalye tungkol sa application at kung paano kikita ang mga magsasaka. Ayon kay Garcia, magdadala raw sa Maynila ang mga magsasaka mula sa Mindoro ng mga bigas na dinorado at sinandomeng na nagkakahalaga ng P45 hanggang 50 kada kilo.

Ang maganda rito, ang buong kita ay mapupunta sa mga magsasaka; hindi katulad ng kasalukuyang kalakaran na binibili sa murang halaga ang palay na hindi pa aabot sa limang piso. Ngayon, maaaring kumita ang mga magsasaka ng mas malaki, tinatayang 30 hanggang 40 pesos kada kilo sa tulong ng Session Groceries app.

“Every kilo helps. Most (if not all) of that 45 pesos goes to the FARMER, not just P5 that the miscreant Villar says is sufficient for them,” matapang na pahayag ni Garcia sa kanyang post.

Hinihikayat din ni Garcia ang mga may-ari ng restaurant at iba pang food business na mas makabubuti kung makikipag-ugnayan sa mga magsasakang ito para naman matulungan silang kumita nang wasto.

Larawan mula sa Facebook account ng Session Groceries

Maliban sa mga available na uri ng bigas sa application, maaari ding mag pre-order ng bigas na siya namang dadalhin ng mga magsasaka sa mga bumili.

Bago pa tumulong sa mga rice farmers, kilala na ang Session Groceries na tumutulong sa mga lokal na magsasaka na nagtitinda ng mga produkto nila tulad ng prutas at gulay.

Maaaring bayaran ang inorder na produkto sa pamamagitan ng bank deposit o ‘di kaya ay sa pamamagitan ng cash on delivery(CoD) method. Parehong nasa Google Playstore at App Store ang Session Groceries application.