MMDA enforcer, tuloy sa pagtatrabaho sa EDSA kahit may seryosong karamdaman




Screenshot mula sa video ng GMA News
  • Patuloy na kinahaharap ng mga Pilipino ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga lansangan sa bansa, kabilang ang EDSA
  • Sa kahabaan nito, may isang MMDA enforcer ang patuloy na kumakayod sa kabila ng isang seryosong karamdaman
  • Pakiusap ng masipag na enforcer, huwag sana silang pagbalingan ng inis ng mga commuter dahil ginagawa lang nila ang kanilang trabaho

Halos lahat yata ng Pilipinong naiipit sa traffic ay mayroong kanya-kanyang hugot at drama. Maraming nasasayang na oras sa pagbagtas sa mga kalsada sa Pilipinas na madalas ay walang galawan. Marami ding mga lakad na hindi natutuloy dahil sa usad-pagong na trapiko.

Dahil dito, inis ang madalas mamutawi sa mga komyuter at itinuturing na isa sa pinakamalalaking suliranin ay ang mabigat na daloy ng trapiko.

Screenshot mula sa video ng GMA News

Ngunit kung sa tingin mo ay pasanin na ang araw-araw na biyahe, lalo na sa kahabaan ng EDSA, isang MMDA constable ang mayroon ding hinaharap na hamon sa buhay na mas malala pa kaysa sa trapiko ng mga lansangan.

Sa isang episode ng award-winning GMA documentary na I-Witness, nakapanayam nila ang enforcer na si Jefprex Baes, 43 anyos, at labing-anim na taon nang nagtatrabaho sa MMDA bilang traffic constable. Dito ibinahagi ng kawani ng MMDA ang mga pinagdaraanan niya bilang isang enforcer, lalo na’t madalas mainit ang ulo ng mga komyuter.

Ayon sa panayam ni Ivan Mayrina kay Baes, maka-ilang beses na raw siyang muntik masali sa ilang sigalot sa lansangan pero mas pinipili niya raw na huwag nang makisabay sa mga nag-aamok na komyuter. Sa ganitong pagkakataon daw kasi, kahit na tama ang ipinaglalaban ng mga tulad niyang enforcer, madalas ay hindi nauunawaan ng kanilang kasagutang driver.

Maliban din sa suliraning kinakaharap sa mga pasaway na komyuter, isa rin sa mga inaaalala niya ay ang seryosong karamdamang epilepsy. Ito rin ang dahilan kung bakit hirap sa pagsasalita ang MMDA enforcer. Sa duty niyang 1PM hanggang 9PM, madalas ay nagpupunta siya sa klinika para i-monitor ang kanyang BP dahil babad sa init ng araw at exposed sa usok at polusyon ng EDSA.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Gayunman, patuloy pa rin sa pagkayod si Baes sa kabila ng karamdaman at wala raw siyang balak iwan ang kanyang tungkulin lalo na’t kailangang tutukan ngayon ang trapiko sa bansa.

Pakiusap lang ng mga katulad ni Baes, huwag daw sana silang pagbuntunan ng inis ng mga nata-trapik na pasahero at drayber dahil ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya, kahit mayroon silang mga personal na pinagdaraanan, tulad ng problema niya sa kanyang karamdaman.

Source :

YouTube, Facebook