Miss Iligan 2019, ibinigay ang korona sa kanyang Mama Elma na siya raw tunay na reyna




Larawan mula sa Facebook account ni Threcia Digamon at Team Conato
  • Naiuwi ni Threcia Digamon ang korona bilang Miss Iligan 2019
  • Ngunit ibinigay niya ang korona sa kanyang Mama Elma na siya raw tunay na reyna
  • Naantig naman ang netizens sa ginawang ito ni Digamon

Kilala ang Pilipinas bilang bansang mahilig sa beauty pageants. Mula sa malalaking international pageants tulad ng Miss Universe at Miss World, hanggang sa mga patimpalak sa mga eskwelahan at barangay, talaga namang ito’y pinaghahandaan at tinututukan.

Ngunit iba ang pinag-usapan sa nakaraang Miss Iligan 2019 Pageant. Nang makoronahan bilang Miss Iligan 2019 si Threcia Digamon ng Barangay Pala-o, imbes na yakapin at ibida ang parangal na natanggap, agad niyang niyakap at nilapitan ang kanyang Mama Elma na siyang nagpalaki sa kanya, at ipinutong dito ang kanyang korona.

Larawan mula sa Facebook account ni Threcia Digamon

Sa isang mahabang Facebook post, ibinahagi ni Threcia ang kanyang mensahe sa kanyang Mama Elma na itinuturing niya bilang isang tunay na reyna. Sa kabila raw ng lahat ng pinagdaanan ng kanyang Mama Elma ay nanatili itong matatag at walang patid ang suporta sa lahat ng kanyang ginagawa.

“The very reason why I always strive hard to give the best that I can in everything I do, my mother. Despite the harsh waves of life, she continued sailing the ocean of sacrifices to help me reach my goals and become who I desired to be,” bungad ni Threcia sa kanyang post.

“She never failed to show me unconditional love. She’s the strongest and the most selfless woman I’ve ever known. My source of strength and inspiration. The real queen, Elma Digamon,” pagpapatuloy ng Miss Iligan 2019 sa kanyang viral post na mayroon nang 2,200 reactions.

Kasama ng post na ito ang larawan ni Threcia habang ibinibigay ang kanyang malaking korona kay nanay Elma at ang tropeyo niya bilang Miss Iligan 2019.

Larawan mula sa Facebook account ni Threcia Digamon

Proud rin si Elma dahil sa kanyang Facebook account ay ginawa niyang profile picture ang larawan nila ni Threcia habang magkayakap. Kuha ang larawang iyon mula sa ginawang Miss Pala-o 2019 na naging pasaporte ni Threcia para makasali sa Miss Iligan 2019 pageant.

Naantig naman ang maraming netizens sa pagmamahal ng mag-ina sa isa’t isa. Isang huwaran daw si Threcia sa mga katulad niyang beauty queens na ang kagandahan ng isang tao ay nakikita hindi lamang sa panlabas na anyo, kung hindi sa nakikita rin sa nilalaman ng puso.