Childhood icon getting old: Mga Pinoy netizens, nagbigay-pugay kay Rowan Atkinson aka Mr. Bean




Larawan mula sa Facebook page na Hadrian TV
  • Viral sa social media ang mga larawan ni Rowan Atkinson a.k.a. Mr. Bean
  • Makikita rito ang pagtanda ng tinaguriang childhood icon ng mga batang 90s
  • Nagpasalamat naman ang Pinoy netizens kay Mr. Bean para sa sayang naidulot nito sa kanilang kabataan

Naging masaya ang kabataan ng marami sa atin dahil sa mga panooring ginawa para sa mga bata. Nariyan ang mga educational show na katuwang ng mga magulang at guro natin sa pagbibigay ng kaalaman. Mayroon ding mga animated show na malaking bahagi ng paglilibang natin bilang musmos.

Ngunit kung childhood memories ang pag-uusapan, tila naiiba ang naging handog sa atin ni Rowan Atkinson na mas kilala bilang Mr. Bean. Hindi ito maituturing na educational show, pero naging patok sa marami ang komedyang hatid ni Atkinson kahit hindi naman ito nagsasalita.

Larawan mula sa Facebook page na Hadrian TV

Dahil napamahal sa mga bata at young at hearts na Pilipino, viral ngayon sa social media ang isang post tungkol sa mga larawan ni Atkinson na kapansin-pansin ang pagtanda nito. Maraming netizen ang feeling nostalgic at nalungkot nang makita ang larawan ni Mr. Bean na mayroon nang maputing buhok at kulubot na balat.

Ibinahagi ng Facebook page na Hadrian TV ang ilang larawan ni Atkinson habang nasa bisikleta. Makikita rito na malayo na sa kanyang iconic Mr. Bean look ang aktor at kapansin-pansin ang pagtanda nito.

“Mr. Rowan Atkinson is getting old. Thank you for being one of our childhood memories,” caption ng Hadrian TV page sa kanilang post na mayroon nang 34,000 reactions, 1,800 comments, at 52,000 shares.

Naging senti bigla ang mga netizens at nagpasalamat sa masayang childhood na ibinigay sa kanila ni Atkinson at sa mga iconic roles niya katulad ng Mr. Bean na nagkaroon pa ng animated series na inere sa ABS-CBN.

Hindi na nga talaga bumabata si Mr. Bean. Sa Enero 2020, ipagdiriwang na niya ang kanyang 60th birthday. Unang nakilala si Atkinson sa ilang radio programs ng British Broadcasting Corporation (BBC) noong 1979. Matapos ang radio stint, gumawa siya ng iba’t ibang television show at noong 1990 ay isinilang ang iconic role niyang Mr. Bean.

Larawan mula sa Facebook page na Hadrian TV

Dahil sa tagumpay ng TV series, nagkaroon ito ng movie adaptation noong 1997. Nagpatuloy ang success ng Mr. Bean series hanggang 2000s. Gumanap din siya sa blockbuster movie na Johnny English noong 2011.

Makailang ulit nang binalak ni Atkinson na magretiro bilang si Mr. Bean dahil na rin sa hindi na siya bumabata. Gayunman, dahil marami pa ring sumusuporta sa kanyang classic role, nagpapatuloy siya sa pagganap dito.

Na-miss mo ba siya? Mayroon siyang YouTube channel!