Mga Pilipino, mas pinipili raw na bumili ng cellphone kaysa magpatayo ng palikuran, ayon sa WHO




Larawan mula sa Pexels
  • Suliranin daw ngayon sa Pilipinas ang maayos na palikuran sa mga tahanan
  • Ayon sa DOH, kailangan daw makapagpatayo ng 700,000 na palikuran sa Pilipinas para mapanatili ang kalinisan ng paligid
  • Mas pinipili pa raw kasi ng mga Pilipino na bumili ng cellphone kaysa magpatayo ng palikuran

Ngayong mayroon na uling poli0 sa Pilipinas, isa sa mga tinitingnang solusyon ng Department of Health (DOH) ay ang pagpapanatili ng kalinisan ng ating kapaligiran. Dahil sinasabing kontaminado na rin ang tubig mula sa ilang anyong tubig, partikular ang ilog, napupuna ngayon ang mga pamilyang ginagawang palikuran ang mga kalapit na ilog o dagat.

Upang mapanatiling malinis ang mga ilog at dagat, nais ng DOH na magkaroon ng palikuran ang mga tahanang walang CR at direktang itinatapon ang kanilang mga dumi sa dagat o ilog. Tinatayang 3.5 milyong Pilipino raw ang walang maayos na palikuran ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo.

“One of the reasons na tinitingnan natin kung bakit bumabalik iyong polio, hindi lang naman ‘yung low immunization rate kung hindi kasama talaga ‘yung poor environmental sanitation,” sabi ni Domingo sa isang pahayag.

Larawan mula sa Pexels

Hindi na bago ang suliraning ito dahil noong 2018, naglabas rin ng kaparehong pag-aaral ang World Health Organization (WHO). Ayon sa WHO, mas marami pa raw Pilipino ang mayroong magagandang cellphone kahit na hindi naiaayos ang kanilang mga palikuran.

Ipinahayag rin ito ng general manager ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) noong nakaraang taon na mas binibigyang-pansin pa ang mag-upgrade ng mga cellphone kaysa magpagawa ng CR.

“Mas marami pa raw bahay ang mayroong cellphone, kaysa sa mga bahay na may gumaganang toilet,” pahayag ni LLDA general manager Jaime Joey Medina.

Tinatayang ang halaga ng isang android phone na mumurahin ay kaya nang makapagpatayo ng isang maayos na CR na mayroong toilet bowl na nakakonekta sa septic tank. Ngunit dahil mas pinipili ng mga Pilipino ang maging pasok sa uso, naisasawalang-bahala na ang pagpapatayo ng mga palikuran.

Dahil dito, plano raw ng DOH na magpatayo ng 700,000 na kubeta sa buong bansa hanggang sa 2023 upang maisalba ang mga ilog at dagat mula sa dumi ng tao. Tinatayang nasa 70,000 na palikuran daw ang kailangan taon-taon para maisakatuparan ang programa.

Larawan mula sa Pexels

Gayunman, dalawang milyong piso lang daw ang budget ng DOH para sa pagpapatayo ng CR sa taong 2020. Aminado naman ang ahensiya na hindi ito sapat dahil malaking budget ang kailangan upang makapagtayo ng isang maayos na palikuran.

“Kahit sabihin nating P1,000 ang cost ng isang toilet, ang P2 miilion eh 2,000 lang iyon. Hindi talaga kakayanin ng DOH lang. Kailangan ito maging concerted effort natin,” dagdag ni Domingo.