Mga pasahero nagtalunan sa bintana para makalabas mula sa umusok na MRT-3 train




Screenshot mula sa video ng GMA
  • Mga pasahero ng MRT-3 na umusok, nagtalunan sa bintana para makalabas
  • Ang pag-usok ay dahil sa naputol na overhead catenary system (OCS) cable
  • Humingi ng paumanhin ang MRT-3 management sa abalang naidulot ng insidente

Tumirik at biglang umusok ang isang tren ng Manila Rail Transit Line 3 (MRT-3) noong Biyernes ng umaga dahilan para mag-panic ang mga pasahero nito. Ang ilan sa kanila sa bintana pa dumaan upang makalabas ng tren.

Screenshot mula sa video ng GMA

Nangyari ang insidente noong Biyernes, ika-6 ng Setyembre, dakong 6:17 ng umaga sa northbound ng Guadalupe Station.

Sa video na kuha ng isang cellphone, makikita ang mga pasahero na nagmamadaling naglabasan sa bintana ng panghuling bagon ng umuusok na tren kung saan nakasakay ang mga senior citizens at ibang priority passengers.

Hindi umano kaagad nagbukas ang mga pintuan ng tren kaya napilitang sa bintana dumaan ang mga pasaherong noon ay nagpa-panic na.

Makikita rin sa naturang video na agad nagpulasan palabas ng tren ang iba pang mga natarantang pasahero nang magbukas na ang mga pintuan niyon.

Paliwanag ng pamunuan ng MRT-3, ang dahilan ng pag-usok ay ang pagkakaputol ng overhead catenary system (OCS) cable. Ang OCS ang nagsu-supply ng kuryente sa mga tren. Bigla raw gumapang ang kuryente sa labas ng tren at nag-spark kaya umusok. Agad rin namang nawala ang usok.

Screenshot mula sa video ng GMA

“’Yung usok diyan is because ‘yung pagkakaputol lang at walang epekto ‘yan dun sa mananakay natin. Kasi grounded naman na tinatawag ‘yan. Kumbaga walang kuryenteng dadaan,” paliwanag ni Michael Capati, ang MRT-3 Director for Operations.

Pansamantalang nahinto ang operasyon ng MRT-3 dahil sa insidente. Alas-singko na ng hapon nang ibalik ang full operations ng MRT-3.

“Operations of the entire MRT-3 line from North Ave. Station to Taft Station will resume at 5:00 p.m. At 4:35 p.m., MRT-3’s Overhead Catenary System Team has successfully reconnected and restored the catenary cable that was cut earlier today at Guadalupe Station,” pahayag ng MRT manangement.

Humingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang pamunuan ng MRT-3 sa abalang naidulot ng pangyayari.

Source :

YouTube, MSN