Mga guro, nag-linya at bumuo ng 30K bilang protesta na gawing P30,000 ang sahod ng public school teachers




Larawan mula sa Facebook post ng MPSTA-ACT
  • Nais ng mga guro ng dagdag sahod para sa lumalaki nilang gastusin
  • Ipinoprotesta ng mga guro ang P2K umento sa sahod nila
  • Malayo ito sa hiling ng isang samahan ng mga guro na P30K kada buwan

Sa pagdiriwang ng Teachers Day month, umaasa ang mga public school teachers na diringgin ng pamahalaan ang kanilang sigaw na itaas ang kanilang sahod. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), sa nilagdaang budget para sa taong 2020, lalabas daw na 61 pesos kada araw o 2,000 piso kada buwan lang ang itataas ng sahod ng mga guro; malayo sa hinihiling nilang P30,000 na entry level na sahod.

Dahil dito, nagsagawa ng protesta ang ilang guro sa Kamaynilaan upang ipakita ang kanilang pagnanais sa mas mataas na pasahod sa mga public school teachers. Ibinabahagi ngayon ng ACT at Manila Public School Teachers Association (MPSTA – ACT) ang larawan ng mga gurong nag-linya at bumuo ng 30K na porma bilang mensahe na gusto nilang taasan pa ang nakatakdang dalawang libong pisong dagdag sahod sa susunod na taon.

Larawan mula sa Facebook post ng MPSTA-ACT

Makikita sa post ng MPSTA-ACT ang 30K photos ng mga guro mula sa Laong Laan Elementary School, Dr. A. Albert Elementary School, Manuel A. Roxas High School, at Herminigildo Atienza Elementary School.

Sa nilagdaang budget na P4.1 trillion, P31 billion ang ilalaan para sa pandagdag sahod ng mga guro, kahati ang higit isang milyon pang kawani ng pamahalaan. Giit ng ACT, kulang na kulang ito upang makapagbigay ng disenteng taas-sahod para sa mga guro.

 Kung maipatutupad ang dagdag sahod sa susunod na taon, tutungtong sa higit P22,000 ang entry-level salary ng public school teacher, dalawang libong pisong mas mataas sa kasalukuyang minimum wage para sa mga guro ng public school.

Gayunman, hindi pa rin umano sapat ang umentong ito dahil sa kabi-kabilang gastos ng mga guro lalo na’t tumataas ang bilihin dahil sa TRAIN Law.

Kinukondena rin ng ACT ang tila kawalan ng aksiyon ng Department of Education (DepEd) para isulong ang disenteng taas-sahod para sa mga guro.

Larawan mula sa Facebook post ng MPSTA-ACT

“TRAIN Law cost us more than it brought us any relief. Not only did it raise the excise taxes, which burdened low-salaried workers more than the rich, its revenues were not used for people’s welfare,” sabi ni ACT-NCR Union president Vladimer Quetua sa isang pahayag.

Kahit na tapos na ang Teachers’ Month, magpapatuloy daw ang mga guro upang mapakinggan sila ng pamahalaan at maibigay ang umento sa sahod na kanilang hinihiling.