Mga batang 90s, magbunyi! Jolina at Marvin, magkapareha sa ABS-CBN Ball




Image capture from ABS-CBN Star Cinema and Metro.Style's YouTube videos
  • Magkapareha sa ginanap na ABS-CBN Ball ang popular onscreen partners noong 90s na sina Jolina Magdangal at Marvin Agustin
  • Mabilis na kumalat sa social media ang mga imahe mula sa ball at screenshots galing sa live videos
  • Tuwang-tuwa ang mga batang 90s na nagmamahal sa nasabing tambalan

Waring bumalik sa nakaraan ang mga fans ng popular na tambalang Jolina-Marvin nang sabay na dumating sa ABS-CBN Ball ang 90s onscreen couple na sina Jolina Magdangal at Marvin Agustin.

Image capture from ABS-CBN Star Cinema’s YouTube video

Mabilis na kumalat sa iba’t ibang social media platforms ang mga larawan ng magkapareha sa prestihiyosong ball; isang fundraising event na naglalayong suportahan ang Bantay Edukasyon program ng Bantay Bata 163 na nagbibigay ng scholarship sa mga kabataang hindi gaanong pinalad sa buhay. Sobrang laki ng pasasalamat ng mga tuwang-tuwang fans sa nasabing pagtitipon dahil pinagsama nito muli ang kanilang mga idolo para sa isang mahalagang cause.

Marami rin ang nagpahayag ng suporta at pagmamahal sa dalawa, na hanggang ngayon ay gustong-gusto ng mga viewers na kinalakihan na ang sikat na tambalan nila.

“Ayy…taray nagsama ulit ‘yong first loveteam na sinuportahan ko,” ani Twitter user @Eivohj2.

“Thank you! Ang saya-saya ko! Bawing-bawi na kayo sa lahat ng pangho-hopia[pagpapaasa]. Char!” ani @charmainedoble.

“Walang pinagbago sina Jolina at Marvin. Kinikilig pa rin ako sa kanila,” wika ni @CMamosog.

Taong 1999 noong huli silang nagtambal sa isang movie ((Hey Babe). Matatandaang nagkasama rin ang dalawa sa teleseryeng “FlordeLiza” noong 2015 sa Kapamilya network. At nitong nakaraang Marso, kinumpirma ang pagbabalik-tambalan nila sa pamamagitan ng isang pelikula na gusto raw sana nilang maging  sequel ng iconic film na “Labs Kita…Okey Ka Lang”.

Hindi natuloy ang pelikula pero naging masaya pa rin ang mga fans dahil naging magkapareha sila.

Image capture via Metro.Style’s YouTube video

Balikan ang kuwento nina Bujoy at Ned sa pamamagitan ng compilation na ito ng “5 Most Memorable Scenes from Labs Kita…Okey Ka Lang”:

Magbunyi, Jolina-Marvin fans! Sabay na dumating sa The 2019 ABS-CBN Ball ang popular 90s onscreen partners na sina Jolina Magdangal at Marvin Agustin: