Mga babaeng pulis, itinalaga upang tumulong sa pagpapatrolya sa EDSA




Imahe mula sa Philippine Tri-Bureau | Facebook
  • Nagtalaga ang PNP ng isang grupo ng kababaihang pulis upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa EDSA
  • Bukod sa tungkulin bilang pulis, tutulong din sila sa pagmamando sa trapiko
  • Isa umanong hakbang ang pagtatalaga sa mga babaeng pulis sa kalsada para isulong ang gender equality

Isang grupo ng kababaihang pulis ang itinalaga ng Philippine National Police (PNP) na tumulong sa pagmamando ng trapiko at pagpapatrol sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue o EDSA nito lamang ika-9 ng Setyembre.

Imahe mula sa Philippine Tri-Bureau | Facebook

Dumaan sa pagsasanay ang mga babaeng pulis na kabilang sa Highway Patrol Group (HPG) bago sila isinabak sa kalsada upang maging katuwang ng mga enforcers mula sa Metro Manila Development Authority. Ayon kay PNP Spokesperson, Senior Supt. Bernard Banac, idineploy nila ang mga babaeng pulis para mapanatili ang kaayusan at disiplina ng mga motoristang dumadaan sa highway kada-araw.

Isa rin umano itong hakbang para isulong ang gender-equality sa larangan na karaniwang pinangungunahan ng mga kalalakihan. Sabi ni Banac, naniniwala ang PNP na mas makatutulong ang mga kababaihan sa pagdidisiplina ng mga pasaway na motorista dahil likas sa Pilipino ang pagrespeto sa mga kababaihan.

“Gusto rin naming ihatid ang mensahe sa mga pasaway na motorista sa EDSA lalo na ang mga drayber ng bus na maging conscious sa ugali nila dahil may mga nakabantay na tayong mga babaeng pulis sa EDSA kaya dapat lang na respetuhin ang mga ito at sumunod sa batas trapiko,” paalala ni Banac.

Samantala, ayon sa ulat ng PNA,  noong ika-4 ng Setyembre ay nag-deploy na rin ang PNP-HPG ng mga babaeng pulis na motorcycle riders para tulungan ang mga kasamahan nilang nagpapatrol sa EDSA.

“Pulis man na lalaki o babae dapat makaka-responde sa anumang krimen,” ani Brig. Gen. Eliseo Cruz, director ng HPG, sa isang report.

Imahe mula sa Philippine Tri-Bureau | Facebook

Dagdag pa ni Cruz malaking tulong umano ang pagpigil sa mga krimen sa highway sa matinding trapik. Nagtalaga ang HPG ng halos 50 na kababaihang pulis na nakamotor sa EDSA. May dalawang shift ang mga babaeng pulis sa umaga hanggang hapon at hapon hanggang madaling araw.