Mayor nanawagan sa mga magulang, estudyante kaugnay sa ‘di pagkakansela ng klase kapag malakas ang pag-ulan




Larawan mula sa Facebook page ni Mayor Arthur Robes
  • Dahil madalas mabatikos sa social media, naglabas ng isang paalala ang Mayor ng San Jose del Monte sa responsableng paggamit nito
  • Hindi raw kasi madalas magkansela ng klase si Mayor na dinepensahan naman niya na ayon naman sa DOST-Pagasa ang kanyang desisyon
  • Sumang-ayon naman ang maraming netizens sa panawagan ng alkalde at sinabing hindi tama ang pag-abuso sa paggamit ng social media

Dahil panahon na ng tag-ulan, karaniwang eksena na ang pagkakansela ng pasok. At karaniwang sa social media na rin unang nababalitaan kung may pasok ba o wala ang isang lalawigan, lungsod, o bayan, depende sa desisyon ng alkalde.

Ngunit dahil madalang ang pagkakansela ng klase sa Lungsod ng San Jose del Monte sa Bulacan, madalas ding mabatikos si Mayor Arthur Robes. Dahil dito, naglabas ng panawagan ang alkalde ng lungsod sa mga magulang at estudyante na maging responsable at panatilihin ang paggalang sa paggamit ng social media.

Larawan mula sa Facebook page ni Mayor Arthur Robes

Sa official Facebook page ni Mayor Robes, ipinahayag niya na gagawa ng hakbang ang pumunuan ng San Jose del Monte upang mapanagot ang mga estudyanteng gagamit ng hindi magandang salita sa paggamit ng social media, partikular sa mga post na may kinalaman sa suspensyon ng klase.

“Paalala para sa mga magulang at estudyante ng Lungsod ng San Jose del Monte, atin pong ugaliin ang pagpapakita ng paggalang at tamang asal higit sa paggamit ng social media. Ang mga estudyanteng gagamit ng hindi magagandang salita, ay atin pong ipagbibigay alam sa kani-kanilang paaralan,” sabi ni Mayor sa kanyang post.

Nagbigay din ng paalala si Mayor Robes sa mga magulang na maging huwaran sa mga kabataan sa paggamit ng social media at iwasan din ang paggamit ng mga ‘di kanais-nais na salita.

Paliwanag ni Mayor sa mga naunang post niya, ang desisyon niya ay nakabatay naman sa weather bulletin na inilalabas ng DOST-Pagasa sa Facebook page nila.

Umani naman ng iba’t ibang reaksyon ang panawagan na ito ni Mayor Robes at umabot sa higit 2,500 Facebook reactions at 1,500 shares.

Larawan mula sa Facebook page ni Mayor Arthur Robes

Marami ang nagtanggol sa alkalde at sinabing tama lamang na paalalahanan ang mga magulang at panagutin ang mga estudyanteng walang disiplina sa paggamit ng social media.

Pinanigan din nila ang Mayor sa hindi madalas na pagkansela ng pasok dahil hindi naman daw bahain ang lungsod, hindi tulad ng ibang lugar sa bansa, partikular na ang Kalakhang Maynila.

Mayroon namang mga nagsasabi na kahit daw hindi bahain ang lungsod, dapat din raw maawa ang alkalde sa mga musmos na pilit sinusuong ang malakas na ulan. Maaari naman daw magsuspinde ng klase ang mayor kahit hindi sa lahat ng antas.

May mga pagkakataon din na sumasagot ang FB admin ng page ni Mayor at pinaliliwanagan ang mga netizens na taliwas sa paalalang inilabas ni Mayor Robes.