Maynila, magbibigay ng P800 birthday gift sa mga senior citizens simula 2020




Larawan mula sa Facebook page ni Isko Moreno at PTV
  • Makatatanggapn ng P800 tuwing kaarawan nila ang mga senior citizen ng Maynila
  • Ito ay matapos lagdaan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang isang ordinansa
  • Ipatutupad ang ordinansa sa susunod na taon

Patuloy ang pagdami ng mga benepisyong makukuha ng mga residente ng Maynila. Ang pinakabagong programa ng pamahalaang lungsod ay nakatuon naman para sa mga senior citizens ng Maynila. Aprubado na ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang ordinansang nagbibigay ng regalo sa mga senior citizen sa kanilang kaarawan.

Nilagdaan ni Moreno ang City Ordinance No. 8570 na naglalayong magbigay ng P800 bilang regalo ng lungsod sa mga senior citizen ng kabisera ng Pilipinas. Nakasaad sa ordinansa na magbibigay ang lungsod ng P800 na regalo “in cash or in kind or a combination thereof.” Mag-uumpisang ipatupad ang ordinansa sa susunod na taon.

Larawan mula sa Facebook page ni Isko Moreno

“This Ordinance shall take effect upon its approval and after publication in the newspaper of general circulation which appropriation shall be included in the Calendar Year 2020 Executive Budget thereafter,” ayon sa ordinansa.

Maliban sa P800, makatatanggap din ang mga nakatatandang residente ng Maynila ng cake sa kanilang kaarawan. Aminado naman si Moreno na nakuha niya ang ideya mula sa Lungsod ng Makati na matagal nang ipinatutupad ang kaparehong ordinansa.

“If Makati can do it, why not Manila?” pahayag ng tinaguriang “yorme” ng Maynila sa paglalagda ng ordinansa.

Iginiit din ni Moreno na walang masama sa pagkopya ng mga proyekto mula sa ibang lokal na pamahalaan higit kung mayroon itong magandang epekto sa kanilang mga nasasakupan.

”I hope you don’t get a bad impression of me copying things, at ako naman hindi nahihiya mangopya nang mangopya,” paliwanag ni Moreno.

Larawan mula sa Philippine Information Agency

Matatandaang noong ipatupad ni Moreno ang clearing operations sa buong Maynila, ay ipinatupad rin ito ng iba’t ibang alklade sa Kalakhang Maynila at kalapit na lalawigan na nakatulong upang muling mapakinabangan ang ilang bahagi ng kalsada sa kanilang nasasakupan.

Maliban naman sa regalo sa kanilang kaarawan, una nang napabalita na magbibigay ang pamahalaang lokal ng Maynila ng P500 buwang allowance sa mga senior citizen kasama ang mga solo parents at PWDs na matatanggap nila sa pamamagitan ng isang cash card system.