May bangus sa Manila Bay: Mga pinoy, namingwit ng bangus mula sa baywalk




Imahe mula kay Sheles Villafuerte via Facebook
  • Isang grupo ng kalalakihan ang nakitang namimingwit ng isda sa isang bahagi ng Manila Bay sa kahabaan ng baywalk sa Pasay
  • Kitang-kita sa video na nakahuli sila ng bangus
  • Namangha ang ilang Pilipino sa kabila ng pag-aakalang walang nabubuhay na isda sa parteng iyon ng Manila Bay

Sa harapan ng mga magagarang yate sa kahabaan ng baywalk sa Roxas Boulevard, makikita ang isang grupo ng mga lalaking namimingwit ng isda.

Imahe mula kay Sheles Villafuerte via Facebook

Sa isang video sa Facebook, hindi karaniwang tagpo ang mapapanood sa bandang iyon ng baywalk kung saan madalas na puno ng mga nakadaong na yate at napaliligaran ng mga mamahaling kainan.

Sa parteng iyon ng baywalk magandang pagmasdan ang paglubog ng araw sa hapon at ang nagkikislapang skyscraper sa gabi. Isa pa, sinong mag-aakalang may mga isdang nabubuhay pala sa parteng iyon ng Manila Bay.

Ngunit nito lamang ika-7 ng Setyembre, napatunayan ni Sheles Villafuerte na mayaman din pala ang lugar sa bangus matapos niyang ibahagi ang larawan ng mga nahuling bangus ng mga mangingisda at ang video kung saan makikitang abala halos ang lahat sa pangingisda gamit ang kanya-kanyang pamingwit.

“Nalibang ka na, may pagkain ka pa,” aniya sa kanyang post sa isang Facebook group. “Nagtitiyaga sa init, makabingwit lang ng isda ang ating kababayan namimingwit.”

Namangha naman ang ilang Pilipino nang malaman na may isda pala sa parteng iyon ng Manila Bay. “May bangus pala diyan,” kumento ng isang netizen. May isa namang natuwa dahil isang patunay lamang ang post ni Villafuerte na “buhay na ang dagat.”

“May pag-asa pa,” ang sabi naman ng isa pang nagkomento sa post.

Imahe mula kay Sheles Villafuerte via Facebook

Madalas namang gawing bagsakan ng isda ang kahabaan ng baywalk sa Roxas Boulevard ng mga mangingisda. Ibinebenta ang mga isda sa mas mababang presyo kumpara sa palengke. Ayon sa ulat ng GMA noong 2018, ang mga isdang direktang ibinabagsak doon ay galing sa Manila Bay.

Source :

Facebook, Youtube